Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Monthly Archives: Setyembre 2010

Alimpuyo: Pagsisisi

Karugtong ng kuwentong basurero, Alimpuyo..

****

ii. Ang Pagsisisi

Pinulotko ang mga aklat na hiniramko kanina sa library ng seminaryo. Inipitko sa aking kilikili ang librong Truth and Method ni Gadamer. Pinadaananko rin ang ilang pahina ng isa ring aklat at dagli-dagli na akong lumakad sa dumidilim na ring koridor. Di ko pa pala nai-switch ang mga ilaw. Tinalikuranko na ang malaking painting ng isang binatilyong nakadipa. May suot na sotana at ang pagdipa ay nang-aakit sa mga nakatingin. May pulang krus sa tapat ng kaniyang dibdib. Kung ako’y nasa dulo ng pasilyo ang painting ay astang yayakap sa akin. Maganda ang painting. Magaling ang puminta. Isang seminarista.

Nilingonko pa minsan at tuloy-tuloy na rin ang aking paghakbang patungo sa kabilang dulo. Sa panghuling pinto, doon ako papasok.

Sa dulo ng hallway, may hagdanang pababa, 15 steps din ata na pababa. Sa ibaba, may parang krus na namang koridor. Nasa gitna na ako ng hagdanan at silipko ang loob ng faculty room sa aking harapan. Kung minsan tinatawag ng mga seminarista itong INRI na hango sa plakard na ikinabit noong ipinako sa krus si Jesus. Salamin ang kalahati sa dingding. Sa aking kanan ay ang opisina ng College President at sa tapat nito sa bandang kanluran ay ang opisina ng Dean. Katabi ng opisina ng Dean ang opisina ng Seminary Rector.

Sa pagawing kaliwa, doon makikita ang Information Office. Ang hallway na pakaliwa ay tuloy-tuloyna sa lobby. Sa may lobby may mga Receiving Rooms, apat ito na tabi-tabi. Dito tinatanggap ng mga seminarista ang kanilang mga dalaw. Hindi kasi puwedeng lumampas ang mga bisita dito, maliban sa pag-ikot sa drive way o kaya paggala sa maluwang na Recreation Area ng seminary. Bawal pumasok sa loob ng dalawang main buildings ang mga bisita.

Maluwang ang Recreation Center. May covered facility kung saan doon ginagawa ang mga in-door games. May maliit din na gym at kunting gamit sa pag-iiexercise. Sa tabi ng covered facility, makikita ang dalawang basketball court, isang volleyball court at isang tennis court. May nakapalibot na kiosk sa gilid ng Recreation Area. Dito ini-enjoy ng isang seminarista ang kaniyang pamilya na nakakadalaw. Dito rin naiinggit ang mga walang dalaw.

Hindi naman lahat na nasa seminaryo ay magpapari. May mga pari pa nga na bigla na lang magsasawa sa kaniyang pagkapari. O, kaya napasubo lang na nagpari. O, kaya pinagbigyan niya lang ang kagustuhan ng kaniyang ina na member ng Catholic Women’s League at kung aayaw siya ay hihimatayin ito. O, kaya may tinatakbuhan din? At ang seminaryo’y ginawang tanggulan at ang sotana ay ang kanyang kabal.

Okey. Hindi naman lahat ay ganyan. May mga ilan lang naman. Yan ang totoo.

Mula sa labas ng lobby, matatanaw ang hardin at ang parking area. Nandoon na rin ang guard house at ang main gate. Oo, main gate kasi likas sa mga seminarista ang mapaghanap ng butas. Kahit butas ng imbornal ginagawang gate! Sa panahon na ang tawag nila ay “Nights of Great Escapes”. Sa lampas ng mataas na bakod, matatanaw ang Marikina Heights at SSS Village. Kita rin dito ang ilang matataas na gusali sa parteng Quezon City sa bandang kanluran. Sa bandang timog, tanaw din ang Pasig. Nasa tuktok kasi ng burol ang seminaryo. Ang tawag nga dito kung panahon na ng balikan mula sa mga ilang araw na semestral breaks, e, golgota.

Luma na ito pero okey pa rin. Sabiko sa hawak kong aklat.  Animal Farm ni George Orwell.

Maliit ngunit siksik sa laman. Pasok sa banga, sabi nga ni Ka Sphere. Magagamit na reperensia sa pagtuturo ng pilosopiya ng lengguahe at pati sa political philosophy. Magagamit din sa larangan ng literatura dahil sa taglay nitong futuristic na pagfifiction. At sa siyensya dahil sa kakaibang futuristic ideas na kung tutuusin e nangyayari na ngayon.

Pumasok na ako sa pintuan sa dulo ng  koridor. Tinungoko ang lamisa sa gitna ng klasrum. Pinadaananko ng tingin ang mga labintatlong seminarista na abala sa kanilang binabasa. Subsob sa mga aklat. Nasa ikatlong taon na sila sa kursong Liberal Arts in Philosophy. Ang kursong prerequisite sa susunod pang hakbang ng pagpapari. Ang Theology. Tahimik silang lahat.

Niyukoan ko na rin ang aking aklat. Gagawa ako ng mga bullet points para sa mga ituturoko bukas.

Riiiinngg! Tunog ng buzzer ng seminaryo. Dito kasi kahit wala kang relo, malalamanmo ang oras. Lahat napapaloob sa schedule.

Quarter to six na pala! Oras na ng vespers. Isa-isang lumabas ang mga kasamako sa kuarto. Nilagyanko ng marker din ang kanina’y binabasako na libro. Pinulotko ang aking mga papel at tinungoko na rin ang aking private room.

Itutuloyko na lang, ma’mya. Ako. Sa aking sarili.

Ako ang magiging confessor ngayon. Bulongko na naman sa sariliko.

May isang oras pa akong maghanda. Ihahandako rin ang aking sarili. Pati ang aking kaluluwa. Tinestingko rin ang aking isip, examination of conscience, kung ako ba’y karapatdapat ding instrumento sa pagpapatawad ng mga kasalanan.

Siyanawa, Diyosko! Nasambitko pa. Bigyan niyo po ako ng sapat na pananampalataya.

6:45 PM

Sampu na ang natapos na nagkumpisal. Sari-saring pagkakasala ang kanilang pinagsisisihan. Ang mga iba parang problema lang at iniuugnay sa mga kasalanan nilang ginawa. Sa tulad kong confessor, tinatanggap lahat na ibig ipasabi ng nagkukumpisal at pinipigilan ang sarili para magkomento. O, wala talaga kaming karapatang magkomento kundi magpaalala lang sa tamang landas at gawa na naaayon sa Salita ng Diyos. Ang Banal na Sakramento ng Pagkumpisal ay ang pag-amin sa maling ginawa, inisip, inusal o damdamin na sa palagay ng nagsisisi ay di ayon sa turo ng Panginoon.

Alam kong may mga sampu pa o higit pa ang mga nakapila sa labas ng confession room. Sa mag-iisang taon ko nang pagkaconfessor, natantiyako na ang bilang ng mga seminaristang nangungumpisal tuwing Biernes ng gabi.

May kakaibang damdamin na naiwan kanina ang huling nangumpisal sa akin. Sa hindi ko alam na dahilan para bang ako ay nakaramdam ng hiya o may naalala akong bigla na bumabagabag sa akin. Masyadong malamig tuloy ang tantiyako sa ihip ng aircon.

Di ko na kayang magpanggap, Pads…

‘yan ang unang salita na namutawi sa kanya. Nang wala siyang marinig na tugon, itinuloy niya…

Di ako karapatdapat na magsuot ng sotana at magpanggap na ako’y patungo sa banal na tungkulin…una, pinagtiisanko ng pitong taon ang pagkukunwari…ala na, Pads, patay na rin ang mga magulangko na naghubog sa mura kong isip na manilbihan bilang alagad ng Diyos…saka, may nagawa akong kasalanan na dapat kong panagutan…hindi lamang sa mata ng Diyos kundi sa mata ng tao rin…

Patuloy pa rin akong nakikinig.

At, saka, Pads, sa labas nitong silid at sa lampas ng bakod ng seminaryo, marami rin ang hindi kumakain…at bawat suboko at pagsuboko tuwing tayo’y kakain ay nagkakasala rin ako dahil dapat sila ang sumusubo at hindi ako… ala na talaga, Pads… nakabuntis po ako! Kailangan kong panagutan ang kalapastangananko…sana mapatawad po ako ng Diyos…hu hu hu hu hu!

Wala pa rin akong imik.

Ikaw, Pads, hindi pa ba sapat ang iyong pagkukunwari? May bisa pa ba ang kabal mong sotana? Hindi mo ba sila napapaginipan?

Nagimbal ako sa huli niyang sinambit. Hindi ko ba sila napapaginipan? Syet!

Hawiinko sana ang kurtinang nakapamagitan sa amin pero nakuha ko pang pinigil ang aking sarili. Tumunog na ang pagsara ng pinto. Alam kung hindi na niya hinintay ang igagawad kong absolution.

Sunud-sunod pa ang mga ilang seminarista na dumulog ngunit parang robot na lang akong nakinig at naggawad ng pagpapatawad.

Laman pa rin ng isipko ang mga huli niyang kataga. Hindi mo ba sila napapaginipan?

Mahigit 30 minutes pa akong nakaupo at naghintay ng mga mangungumpisal. Wala na. Naghintay ba ako ng kukumpisalin o ang sagot sa tanong niya?

Mayro’n ba akong dapat panaginipan? Sino ba sila?

Dahan-dahan kong inalis ang estola. Tinupiko ito at lumabas na rin ako sa confession room pagkatapos patayin ang aircon at ang ilaw. Tinititiganko pa rin ang estola habang pinaglalaruan ng isipko ang kaniyang tanong.

****

Itutuloy…

Balikan ang Part I: Ang Pag Uwi

Dagdag Gawain:

1. Totoo bang may anak si Padre Damaso? Isulatmo ang sagot at ipadala sa basurerongpinoy@yahoo.com

2. Kung pagbubuhatinka ng krus, sa kaliwa o kanang balikat mo ba ito pasanin?

3. Alam mo ba ang 5S ng mga hapones? Gawin mo na ito at huwag ipagpaliban, luluwag ang buhaymo.

Advertisements

Alimpuyo: Pag-uwi

Kuwentong Basurero ulit tayo…music: bohemian rhapsody>

*****

i. ang pag-uwi

Sa baba ng puyo, may di pa tapos na laban.

Oo. May mga di mapakaling damdamin na gustong humilagpos. Parang tusok ito. Matulis pa sa barbecue stick. Tumutusok sa tagiliran, naninigas ang aking puson at gagapang ang hapdi sa aking mga ugat hanggang sa dulo ng aking daliri, sa kamay at sa paa. Tapos, babalik din. Babalik din sa aking ugat, sa puson, sa tagiliran. Aabot ito sa aking leeg, sa pisngi, sa noo at iikot pa sa aking batok. Pumapasok sa loob ang kirot. Lalagapak! Lumalagapak sa baba ng puyo. Nakagatko pa ang aking labi. Mahapdi. Napapangiwi na ako. May nalasaan na akong dugo. Dumudugo. Ang aking labi.

May dapat bubulwak. Huhulagpos mula sa katahimikan ng gabi. Pero, kailangan ko pang pigilan. Ang aking sarili.

Lagi na lang akong hinahabol ng mga pangitain, ang pagkabalisa, ang di maintidihang kaba, ang naghalong takot at poot. Mainit na hindi ang haplos ng hangin. Para nang nabuhusan ng isang basong tubig ang aking t-shirt. Dumidikit na sa aking dibdib. Umaagos na ang aking pawis mula sa noo, dadaloy ito sa aking ilong at unti-unting dadaan sa gilid ng aking bibig. Titigil sa aking baba at tuluyang mahuhulog sa nangingitimko nang puting t-shirt. Ngunit, bakit ba bawat dampi ng hangin ay nagdudulot din ng pagnginig sa aking laman pababa sa aking mga paa? May dampi na kung anong powers ang meron na nagpapatayo sa aking mga balahibo. Parang may mga demonyong naghihintay lang sa tabi. Hinihintay ang aking pagkaidlip. Mga alien na susunggab na lang bigla. Kakagat at lalamunin ako na buong-buo.

Dahan-dahan na akong hinihila ng panaginip na naaaninagko sa mga dagok ng aking buntunghininga. Pipilitin ko pang makipagtitigan sa kesami. Lalaban pa ako. Doon. Oo, doon may isang butiki, isang matiyagang butiki. Naghihintay ng tamang sandali para didilaan ang lamok na lagalag, ang di ata natutulog na lamok. Ang ayaw matulog na lamok. Lumilipad ang lamok. Paikot-ikot. Umiikot at iniinis ang gutom na ring butiki. Lalo namang pinaigting ng butiki ang kapit niya sa kisame. Handang-handa na sa ano mang saglit na lalapit ang lamok, dideretso ito sa bungangang gutom. Hindi na ata pumipikit ang butiki. Gumalaw ang buntot ng butiki. Inasinta ang lamok. Pumagaspas din ang lamok at pahapyaw pa nitong dinaanan ang init ng flourescent. Nangingitim na rin ang flourescent. Matagal ng hindi napalitan. Nabalotan na ito ng alikabok. Nanghihina na rin ito. Parang hasag na walang gaas na rin ang kayang liwanag. Sa mga sulok ng kisame, parang kurtina na rin ang cobwebs. Maitim na rin ang mga alikabok na kumapit.

Inunatko ang aking braso. Namamanhid. May mga maliliit na pagkagat sa aking laman. Parang nginangatngat. Gumagapang. Napasuntok ako sa hangin. Isang suntok pa. Pang-alis ng pagkamanhid. Hinawiko ang lukot pang kumot. Amoy amag. Amoy alikabok. Pati na rin ang mga unanko, iba na rin ang amoy. Nangingitim na rin. Ang kobre de kama, kahit unat na unat pa ang pagkaayos, itim na rin ang dati’y puting tela. Hinipoko. Hinaplohaplos. Pinagapangko ang palad. Dinadama ang naninigas nang tela na tila may hinahanap ako sa mga hibla. Pinampagko ito. Lumipad ang alikabok. Wew! Hindi ko pa pala nabuksang tuluyan ang jalousie. Maalalako.

Tumayo ako. Dahan-dahan na tinungo ang bintana. Parang may bunton na mga bato ang aking mga paa. Napakabigat ang mga ito. Dalawang hakbang lang ang layoko sa bintana ngunit parang isang buwan ang mga sandaling dumaan. Umuubo ako. Iisa lang ang bintana ng aking silid. Nakaharap sa silangan. Hinawiko ang kurtina na kupas na ang asul na kulay. Binugkosko ito at itinali. Napagpag din ang mga alikabok. Maingat kong inangat ang mga jalousie. May ginhawang dumating sa akin at sinulitko ang samyo ng hangin.

May lamig na idinating ng hangin. Huminga ako ng malalim. Tuloy-tuloy. Pinunoko ang aking baga. Tumaas pa ang aking balikat. Lumapad pa ang aking dibdib. Pilit kong pinigilan ang aking paghinga. Parang ayawko ng bitiwan, ilabas ang hinigup kong hangin. Gusto kong mamalagi na lang sa aking dibdib ang kakaibang amoy sa hangin. Sumilip ako sa labas. May liwanag na sumisilip sa pagitan ng mga dahon ng sampalok. Galing sa panakanakang paglabas ng buwan na napipilitang nagtatago sa makapal na ulap. Malaking puno ang aming sampalok. Tanim pa daw ito ng aking Apong Lakay noong siya ay binatilyo pa lamang. Mga labinwalong taong gulang pa siya noon. Ayon din sa kanya.

May limang taon na ring patay ang Apongko. Nakita na lang ito na basag ang kaniyang bungo sa isang umaga sa loob ng kubong tinutulugan niya sa uma. Nagbantay daw sa mga bagong ani na palay. Tag-ani noon. Madalas siyang natutulog noon sa kubo. Masaya ako sa bukid. Yan ang sabi niya noon. Pero, ang alamko, gusto niya lang sariwain ang mga sandaling pinagsaluhan nila ng aking Mamang Baket. Ang nasira ko ng lola. Gustong-gusto nila noon ang manirahan sa kubo na iyon. Mas malapit daw sa mga gawain nila sa bukid. Nagngingit din sa galit ang aking Angkel Berting kapag nababalitaan niya noon na doon tumitira ang aking lolo’t lola.

Walang makapaturo kung sino ang pumatay sa loloko. Maraming haka-haka ang naglabasan.

Baka may magnanakaw sana sa mga ginapas na palay at namalayan nito. Sabi ng mga iba.

May mga armadong nakauniporme na naglalakad-lakad sa mga gabi. ‘yan din ang kuwento ng mga ilan.

Mga sundalo o mga kasama (‘yan ang tawag namin noon sa mga rebelde), yan ang di natin alam kasi wala namang mangahas na susulpot at magsabi ng totoo at maglalaho rin sa damuhan. O, kaya, wala namang gatigre ang tapang upang harapharapang ibunyag kung mayroon silang alam. Wala. Lahat ay kuro-kuro. Mga kuwentong basurero lang ang lahat.

May kampo nga ng militar na malapit sa bario namin. Limang kilometro lang ang layo ng kampo sa sinasaka namin. Sa bandang kanluran at malapit na sa bayan. Pero, marami rin ang nagsasabi na may mga rebelde ding gumagala at paminsan-minsan nagta ‘tao po’ sa mga bahay-bahay doon sa gilid ng bundok. Limang kilometro rin ang layo sa bandang silangan mula sa bario naming Tanubong.

Kasama, yan ang tawag ng tagabario sa mga rebelde. Para din ang ugali nilang pangalanan ng señora o señorita ang mga daga. Kapag binibigyan mo daw sila ng paggalang ay hindi sila maninira o sisiba. Mga ugaling dulot ng pyudal na pag-iisip.

Ang mga ito ay mga paulit-ulit na kuwento. Mga haka-haka o kaya kathang isip o kuwentong basurero na siya raw dahilan ng pagkamatay ng aking lolo. Paulit-ulit at nang kalauna’y hindi na matanto kung ano ang totoo at kabulaanan.

Binasag ng mga magnanakaw ang bungo ni Apong Bungaw. Yan ang maisasagot kung may magtanong kung ano ang ikinamatay ni Apong Lakay.

Binaril ng mga army. Ipinipilit din ng mga ibang napagtatanongan.

Napakahimbing na ang gabi. Wala ng anas na naririnig. Ang paminsan-minsan na pito ng hangin at pagaspas ng dahon ng kawayan na malapit sa sampalok na lang ang tunog. Kung tutuusin, rinigko na ang huni ng aking paghinga. Pati na rin ang tibok ng aking puso. Sinipatko pa minsan ang puno ng sampalok na siyang nagsilbing tagamasid sa mga pangyayari sa loob ng bahay at sa lahat na nangyari sa bakuran nito. Parang bathala ang puno ng sampalok sa tingin ng mga halaman na nahuling umusbong. Lumaki ang mga ito na iniiwasan ang puno at parang ayaw man lang dumikit sa alin sa mga sanga nito.

Sinipatko pa minsan ang paligid. May kikiray-kiray na liwanag sa malayong silangan. Street light kaya o ilaw ng isang bahay na iniwang nakasindi sa magdamag. Wala naman yan dati. Bulongko sa aking sarili. At, tinitiganko sandali ang kinang sa malayo. Ha! Matagal-tagal na ring panahon ang lumipas.

Tinalikuranko na ang liwanag sa malayong silangan. At ang puno ng sampalok. At ang bintana. Matagal na rin pala akong nakatayo doon.

Dahan-dahan ulit, bumalik ako sa aking kama. Umupo ako sa gilid nito. Sinapoko ang aking mukha at itinukolko ang aking siko sa aking tuhod. Namamanhid na rin ata pati ang aking pisngi. Hinaplosko ito. At, gumuhit ang kalyo ng aking palad sa nanlalagkit ko nang pisngi. Tumingala ako ng makaramdam ako ng hapdi sa aking mata. Napapikit ako. May parang gustong bumulwak mula sa likod ng aking pilik mata.

Nandito na naman ang di mapakaling damdamin. May tumutusok na naman sa aking tagiliran at naninigas na naman ang aking puson. Ramdamko at damang-damako ang paggapang ng hapdi sa aking mga ugat, aabot ito sa kadulo-duluhan ng aking mga daliri, sa kamay, sa paa at babalik sa aking tagiliran. Tutusok ito at aabot na naman hanggang sa aking pisngi. Malagkit ang aking pawis ngunit tumatayo pa rin ang mga balahiboko.

Ang bintana. Liningonko. Parang dumilim bigla.

Dito Tino, dito. Tinawagko ang aking sarili. Ganito ang pagtawag at ganito rin lang ang pagbalik.

Hinarapko ang lamiseta at ang bangko na kung saan doon ako nakaupo kanina. Guminhawa na kaunti ang aking pakiramdam. Dito ako kanina na nakatingala ng isang butiki na nagmamanman sa isang lamok na ayaw matulog bago ko tuluyang binuksan ang bintana. Diniretso ng matako ang mga nakasalansang libro, mga papel at kung anu-ano pa. Halu-halo.

Ha. Nandoon pa ang aking mga libro…

Nandoon pa rin ang mga folder na kinalalagyan ng mga sinulatko–mga tapos at hindi pa tapos — na hindiko na naipadala para malimbag. Hindi ko na maalala kung saanko na nabili ang mga aklat at ano ang nauna kong sinulat.

Oo nga pala…asan na kaya ang larawan? Naalalako.

Ang butiki?

Wala na rin.

Wala na rin ang lamok. Parang nawawala na rin ang liwanag sa flourescent.

Ilan? Ilan na kayang tag-araw mula ng huli kong pagbalik?

***

Itutuloy…magbohemian rhapsody muna tayo.

%d bloggers like this: