Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Mabuti pa Kayo…


Nii, napadaan kayo pare? Mare?

‘upo muna kayo at nagluluto si kumander, ha ha. Pagpasensyahan ninyo na lang ang mga bata. Magugulo sila.

Kape? Red Horse, pare?

Coke, juice…mare?

Opps, kape na lang at juice…? Ba’t ayawmo kasi ng RH? Noon naman ay…

A, babatokanka ni mare? Ala, kunsabagay, okey naman ang kape. Matapang ‘yan. Blend Porte Rice.

Ay, noong linggo? Sinabi mo pa! Natutuwa ako’t nabubuwisit nga, e…

Ano pa’t naglinis ba naman ako sa harap ng bahay namin…Tamang walis dito, sunog doon. Oo, dahil kay Juan.

Diyosko, pare, mare…nakakahiya na e. Masukal na. Lagi pa naman ang pagdaan ng mga konsehal. Kulang na lang utosan ang mga barangay tanod na linisin ang lote sa harap namin, ha ha.

Hindi, mare. Ito ang nakakainis…kalahating oras na ‘ata akong nagre-reyk ng mga damo at mga dahon nang ako’y pinansin ang aking kapitbahay…alam nyo na kung sino…papangalananko pa ba?

A…hindi na?

Pinanood ba naman ako habang panay ang hitit niya sa kaniyang Fortune kasabay ng pakikinig niya sa inaasma na atang radyo pono nila. Habang ang radyo naman ay matiyagang nagbrobrodkas ng isang drama…oo, parekoy, di baterya.

Naligo rin talaga ako sa pawis, pare. Pang-alis ng konting nikotina sa baga at eksersays na rin kasi sumasakit na ang aking likod minsan. Sa sobrang tama siguro ng sigarilyo.

Buti ka pa. Naalismo na?

E…mare, kulang yata ang tinapaymo? Kuha ka lang…may baon pa naman ang mga bata bukas, he he he.

Ito. Ito ang masaklap. Binuhat ba naman niya ang kanilang monoblock na upuan at inupuan na niya akong binatayan. Hay, sige lang naman ako sa paglilinis. Paminsan-minsan, sinasagotko naman ang kaniyang mga sinasabi kahit ‘di ko naman masyadong iniintindi.

Bandang alas onse na ata noong maisipan niyang tumayo sa kinaroroonan niya. Hay, salamat, nasambitko pa sa aking sarili, mare.

Saglit lang. Nandyan na naman at may sinakal na bote ng Redhorse. “Inom tayo, bayaw.” Kasus, niyaya ba naman ako.

“Sige, ikaw na lang”, sabiko. Pilit kong pinakalma ang sariliko.

Aysi, at nagsindi na naman ng sigarilyo. Naglalaway na ako. Nakakasigarilyo na ‘ko pero pinigilko lang. Sayang din ang papawisko, pare, kung sasabayanko pa ng hitit, di ba?

Buwisit na ako kasi ang sarap ng kuyakoy niya. Tamang ‘Don’, mare he he…

“Pampagana ng kain, bayaw.”

Babarahinko sana pero nakapagtimpi pa ako. “E, di ihalo mo na lang sa kanin.” Sabiko ngunit dedma siya. Syet!

At, dahil sa inis, sinindihanko na rin ang isang istik dahil may nakabulsa lagi na marlboro gold ako, pare. Hiniramko ang lighter n’ya kasi ‘la akong lighter.

Ano pa’t hiningi ba naman ang isang istik at sabi, “matagal na akong ‘di nakatikim ng marlboro”, sabay tapon sa kaniyang Fortune.

At last, umalis din noong maalala niya sigurong malapit nang dumating ang misis niya. Magsasaing.

Dagli na rin akong bumalik sa bahay. Mahirap na baka bumalik pa.

Anong sabimo? Inis ako dahil ‘di ako nakainom? ‘di naman, a, pare.

Hala, itutuloyko ang kuwentoko, pare..

At, binalikanko ang nasimulan kong linilinis nang lumamig konti sa bandang hapon. Sa awa ng Diyos, di na ako tinanodan ng aking magaling na kapitbahay. Pero, pirmi ang hiyawan nila. Nag-aaway!

“Duldog! Dyan ka magaling, sa pag-inum-inom!” Bulyaw ng asawa niya at mayroon pa akong narinig na kumalabog at nabasag. Palagayko, tapayan ata ‘yon.

“Umuurong na ang mga ugatmo, gago! Banatinmo naman ang mga butomo!” Parang armalayt na ang bunganga ng asawa ng kapitbahayko.

Gayan, gayan ang banat ng misis niya pare…he he he..

Di ko ugali ang nangingialam sa buhay ng iba, pare pero…

Tama nga ang kawawang misis ng kapitbahayko. Mas maputi pa sa akin ang mokong. Parang di na nasisikatan ng araw ang kaniyang balat o kaya, dala na ito ng sobrang inom, pare?

Magpapakuha ata ako ng mainom, ha, pare?

Hay, ito pare…nang bandang hapon na. Hayun, kinukuwentuhan niya na naman ako. Ang nakakabuwisit, e, ilalapit pa niya ang bunganga niya sa akin na nangangamoy beer.

Alam mo. pare. Oo, a. Di ko naman sinabi, e.

Patapusinmo muna ako, pare…he he he.

At, uutang ba naman daw siya sa akin, pare, mare. Kahit, singkuwenta pisos lang daw na pambili nila ng bigas. Nakakaawa daw ang kaniyang mga anak kasi wala na daw silang maisaing kahapon pa.

Pinautangko ba? Nungka!

“Mabuti pa kayo, a, kasi may hinihintay kayong kinsena katapusan.” Yan. Ganyan ang hirit niya sa akin, pare. Yung kapiranggot na sahod siguro, a, mare, ang tinutumbok niya.

Oo. Sumusuweldo nga kami ng mare niyo pero kulang pa kung tutuusin para sa gastusin namin, hay.

Buwisit talaga ako, pare. Siya, painum-inom, pasigasigarilyo at parang nakalimutan na niya ang amoy ng pawis, e. Tapos, sasabihin sa akin na mabuti pa kami? Kung, tinulongan sana niya akong naglinis. O, sinamahan sana niya akong nagbunot ng mga damo, e, baka, binigyanko pa siya ng ‘sang salup na bigas.

Binantayan niya lang ako tapos, ngayon, kikikilan pa niya ako. Never!

Kahit nga Linggo, e, nagtratrabaho ako sa bahay dahil ito lang ang bakanteng arawko, pare.

Tapos, uutangan lang ako ng isang damuhong hindi man nadadaluyan ng pawis…

Aysi, pare, mare…nakalimutan ko nang tinanong kung ano ang pinarito ninyo, pare, mare…

Ano ba ang inyong sadya, ha?

Nii, kain muna kayo, a. Ba’t aalis na kayo kaagad? Nakaluto na siguro ang mare ninyo.

A, bumisita lang kayo? A, tamang nagpakita at nangumusta lang ba? Salamat sa pag-alala, mare, pare ha…

Pagpasensiyahan niyo na lang ako, pare. Nahiya na ata kayong magsabi kung ano ang sadya ninyo, mare?

****

A, kung bakit ko sila pinauwi? Nagpaalam na sila, e. Ayaw namang sabihin kung ano ang sadya. Pero, alamko na ang kanilang dahilan sa pagparito.

‘bat ako mahihiyang magkuwento? Totoo naman lahat ang mga sinabiko, a.

At saka, ling…istayl ko lang ‘yon. Nabalitaanko kasing nag-away din sina pare at si mare kahapon. Natalo daw si pare sa sabong at nalustay ang pang-tuition sana ng inaanakmo sa binyag.

Inunahanko na sila, a. Alam kong uutang din sila. Ikaw, kung gusto mong ipahiram ang pambili natin ng bigas?

Ha! Tumigil ka na diyan, swithart, kanya-kanyang istayl lang ‘yan. Mahirap naman na sasabihin kong wala tayong ipapahiram. Baka, sabihin na hindi tayo marunong makisama.

Di ba mas maganda kung idadaan na lang sa kuwento na ayaw kung magpautang?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: