Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Mga Pasko sa Buhay ni Anib-3


Mga Pasko Sa Buhay ni Anib-1
Mga Pasko Sa Buhay ni Anib-2

*******

Pati ang Kuya Anib niya, wala pa din.

Sumama ito kanina sa pangangalahig ng basura. Idol kita Kuya! Nasambit niya noon sa kaniyang kuya. Walong taong gulang pa lamang ang kuya niya ngunit matapang na itong sumasabit sa trak ng basura. Kung bakit ba namin kasi ayaw pumayag ang tatang Delfin nila na sasama siya sa kuya niya. Gusto niya rin sanang sumama dahil kahit mga plastik lang ang mapulot niya, siya pang pandagdag sana sa naipon na niyang tig-25 na sentimo sa lata, ang latang alkansiya na gawa ng kuya niya.

Maliit pa daw siya. Yan ang sabi ng Tatang nila. Apat, oo, ‘yan ang bilang niya sa daliri niya kung ganyang tanungin kung ilang taon na siya. Ang di niya matarok ay kung bakit bawal daw ang batang babae na mangalahig ng basura.

E, ano ngayon kung babae ako? Sasagutin sana niya ang Tatang nila minsan. Kaso naunahan siya ng hiya. Sinabi na naman kasi ng Tatang nila na hindi siya puwedeng sumama sa kuya niya dahil babae siya. Ipinagpipilitan niya noon na sumama sa pagpulot ng plastik sa may Commonwealth Avenue. ‘buti na lang nangako ang kaniyang Kuya Anib na bibigyan siya ng piso. At, natakot siya sa kuwento ng Inang nila na marami na daw ang mga bata na kasing-edad niya na namatay sa Malaking Daan. Nangimi pa siya noong dagdagan pa ito ng kuya niya na nagkalat pa nga daw ang mga utak ng mga bata sa daan noong nabundol ang mga ito.

Wasak daw ang mga bungo!

“Tulonganmo na lang akong maglaba”, sabi noon ni Nanang Magda, ang nanay nina Anib at Ania. “Ikaw na lang ang tagabomba sa gripo at sumisikip na naman ang diddibko,” dagdag pa ng kanilang ina. May hika kasi si Nanang Magda.

Kaya, ‘yon. Masaya na siyang tagabomba ng gripo kahit hirap na hirap niyang ibaba ang mabigat na bombahan.

Walang angal si Ania na samahan ang Nanang niya. Paminsan-minsan pinapaipitan naman ni Nanang Magda ang kili-kili ni Ania ng piso kung ganyang yayapusin siya nito habang nagyayang magpasama upang dalhin nila ang mga natupi nang damit na nalabhan nila sa loob ng subdivision. May dalawang bahay sa subdivision na kinokontrata ng  kaniyang ina ang mga labahin.

Naalala tuloy ni Ania ang ibinigay ng Nanang niya na piso. Kinuha niya ito at patakbong nagtungo sa dulo ng makipot na daan kung saan nandoon ang store nina Tala. Bumili siya ng kornik. Isa-isa niyang isinusubo ang butil ng mais habang palinga-linga at nagmamasid. Nagbabakasakaling nandiyan na ang kaniyang Tatang. Wala pa rin.

Kibit balikat na umuwi ng bahay si Ania. Wala pa rin ang Tatang niya. Pati ang kuya niya.

Dahan-dahan na siya naglakad at pilit na iniiwasan ang estero sa tabi ng eskinita. Marami pa ring tao na paparito at paparoon. Abala silang lahat sa kaniya-kaniyang buhay.

Nadatnan niya ang kaniyang ina na abala sa kusina. Iluluto siguro nito ang kangkong na hinuhugasan. Alam na ni Ania ang ihahalo dito. Knorr cube at kunting Silver Swan na soy. “Adobong Kangkong, masarap ito!” Iyan. Iyan ang sasabihin na naman ng kaniyang ina.

“Imaginen nyo na lang na adobong baboy ito na may kangkong. Tapos, ubos  na ang karne, kaya’t kangkong na lang ang natira.” Ito ang sabi noon ni Nanang Magda, minsan habang silang lahat ay sabay-sabay na kumakain ng hapunan.  Natawa noon ang Tatang ni Ania at muntik pa nga itong nabilaokan.

Kahit adobong kangkong lang, sarap na sarap naman silang lahat noon.  “Siguradoko, masarap na naman ang Adobong Kangkong ni Inang…” bulong ni Ania sa sarili at napangiti siya nang maalala niya na sinasapo pa ng kuya niya ang tiyan nito habang tumatayo noon.

“Nang, gabina. Hindi ba darating si Tatang ngayon? Pati si Kuya Anib, wala pa rin.” Hinila na ni Ania ang braso ng kaniyang ina para pansinin siya.

***

Desyembre 24, 6:30 ngabi, ngayong taon.

“Madilim na…” Bulong ni Anib. Binuhat niya ang sako na nangangalahati na rin sa napulot niyang mga plastik. Nagpasiya siyang maglibot din kanina upang hindi mainip at kapansin-pansin ang pagtambay niya sa loob ng subdivision. Kilala na rin siya kasi ng mga ilang taga-subdivision kaya libre na rin siyang gumala sa mga kalsada nito. Lagi kasi siyang nakikita dito tuwing Sabado’t Linggo na kumukuha ng mga plastik, karton, bote o mga lumang diyaryo na itinatapon sa mga imbakan sa mga kanto ng subdivision.  Kaya, hindi na siya pinapansin at itinatawag sa mga guwardiya ngayon. Hindi tulad noong unang nagpaiwan siya sa trak ng basura. Nabagansiya siya. Mabuti na lang at naawa ‘yong isang ginang na suki ng kanilang nanay sa paglalabada.

Pero, iba ngayon. Bisperas ng Pasko.

Tapos na ang oras ng pagkuha sa mga basura at dapat wala na rin siya dito . Kunsabagay, marami naman ang mga batang naglalaro sa mga lansangan. May naghahabulan at nagpapalakasan ng tunog ng turotot. May nagpapailaw ng lusis at may nangangaroling. Pero, halata pa rin siya. Halatang kakaiba pa rin siya sa mga ito. Sa linis ng balat at sa pananamit, malayo siya sa mga batang nagsasaya.

Nagsisindihan na ang mga ilaw at unti-unting nababalutan ng mga mumunting ilaw ang mga bungalow sa subdivision. Ang liwanag! At, napakarikit ang mga iba’t-ibang kulay na sinag! Tumatagos ang bawat kislap sa mata niya at tumuturok hanggang sa kaniyang murang puso.

Ibinaba ni Anib ang kanina’y sakbat niyang sako ng plastik at isinandal ito sa kuwadradong taniman ng bougainvillea. May sampung metro rin ata ang layo mula sa pinakamalapit na street light kaya madilim-dilim din lalo pa’t nakalimutan atang binawasan ang mga sanga ng bougainvillea. May katabi pang malaking ficus kaya lalo pang dumilim sa kinaroroonan niya. Hindi naman ito kalayuan sa bungalow nina Ania na nasa tapat niya sa kabila ng kalsada. At, may spotlight namang nakatutok sa gate ng bahay.

Umupo na rin siya at sumandal sa sementadong pader sa tabi ng ficus. Napapikit siya at humugot na naman ng isang mahabang buntunghininga.

Oo. Naala ni Anib. Ganitong oras noon, ayon sa kuwento noon ni Ania, dalawang taon na ang nakalipas. Noong sobrang inip ng kapatid niya sa kahihintay sa kanila. Dalawa sila ni Tatang niya.

Pinunas ni Anib ang tumutulo pa ring pawis niya sa pisngi at naramdaman niyang pumipitik ang kaniyang panga. Pagkatapos, binunot niya ang nag-iisang supot ng kornik sa kanang bulsa ng shortpan niya. Muli, sinipat ng paningin niya ang malaking pintuan sa tapat niya.

Sumasabay ang tunog ng bawat butil ng mais sa loob ng bunganga niya sa mga kunting paputok na naririnig niya. Tinitigan niya ang gate. Wala pa ring galaw.

“’asan kaya si Ania?” Ibinulong ni Anib sa katabi niyang sako habang sinusundan ang paningin niya ang kislap ng lusis na pumailanlang at humahamon sa madilim na langit.

Itutuloy…

4 responses to “Mga Pasko sa Buhay ni Anib-3

  1. Pingback: Ang Mga Pasko sa Buhay ni Anib-2 « Basurerong Pinoy

  2. Daniel P. Yuson Jr December 19, 2010 at 8:13 pm

    @ Ka Loren..!
    musta na mga basura..?
    nga pala..,
    MERI XXXMAS..!😉

  3. Pingback: Mga Pasko sa Buhay ni Anib-4 « Basurerong Pinoy

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: