Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Ang Destinasyon ay Sa Karatula Lang Ba?


Ito’y isang kuwentong tambay na naman at binigyanko lang ng kunting kulay at palamuti para naman mapansin (o ha!) kasi inaamag na itong karitonko.

***

“WHEW! Sobrang init pala ang Maynila”, sambitko sa aking sarili.

Alas dos na ng hapon nang ako’y makarating sa Cubao at bumungad sa akin ang nakakatuyo ng lalamunan na init. Palibhasa ako’y nakulong sa de aircon na bus sa pitong oras na biyahe, pumatak kaagad ang aking pawis at nararamdamko na ang mamamasa kong likod kung saan nandoon ang munting knapsackko. Mula kasi sa istasion ng bus, nilakadko na ang layo ng Ali Mall mula sa istasion ng bus upang sasakay sa dyip. Tipid at eherhisyo pa. Ngunit, ang totoo, di ko lang alam ang pasikot-sikot ng Cubao.

Palinga-linga sa kanan, sa kaliwa, tuloy pa rin ang lakad sabay sulyap sa munting papel na palara ng Marlboro. Nandon kasi ang address, e.

Sakto. May dumaan na dyip at ayon sa tagubilin, taglay niya ang mahiwagang lugal. Hindiko napara. Nakadaan na.

Hintay ulit. Sigurado kong may dadaanna. Pumara ako at sumalubong sa akin ang kantang ‘feels like heaven’.

Oopps! Uso pa ba ang new wave?

“Ganito rin kaya sa langit?” Tanongko sa aking sarili sabay upo. Lima lang kaming sakay.

May isang mama sa unahan. Halata sa kaniyang mukha ang pagkahapo. Parang blangko lang na nakatitig sa sahig ng dyip. Kupas na ang kaniyang maong na pansinko ring Levi’s. Ang di ko lang alam kung kumupas sa kaniya o kupas na ito noong napulot niya sa wagwagan na katulad din ng short pant kung biniliko lang ng 50 pisos. Halata na rin sa kaniyang rubber shoes ang ilang taon ng paghihimagsik¬† dahil gustong kumawala na rin ang hinlalaki sa kanang paa niya. Umaagos din ang nanlilimahid na pawis sa kaniyang pisngi at umaagos ito patungo sa kaniyang leeg. Walang imik, ginawa nitong panyo ang kanang manggas ng halatang di pa nakaranas ng Tide Powder na puting polo. Gumuhit sa manggas ang hirap na inanod ng pawis mula sa kaniyang pisngi. Hindi na rin niya ito pinansin ngunit kapansin-pansin sa ibang mapangusyusyong mga mata.

Sa harapko, may isang ale na pikit pa rin ang mata. Tulog ngunit nakakapit pa rin ang kanang kamay sa bakal na hawakan ngunit, pirmi ang hawak sa maliit na handbag. Sumasabay ang kaniyang katawan sa indayog ng dyip. At, tila nagpapatianod na lang sa lakaran ng rumaragasang buhay ng siyudad.

Sa tabi ng tulog na may edad sigurong 45 na ale. May dalawang babae na sa wari ko’y lampas ng 50 ang mga edad.

Iniaabotko ang aking bayad. Biente, kasi hindi ako sigurado kung magkano ang pamasahe. Nakakahiya kung sasablay pa ako. Mahalata tuloy na PROMDI ME. May ibinalik na sukli. Di ko na rin pinansin kung magkano pa ang natira sa biente.

Sa magkabilang gilid ng kalsada, sari-saring buhay at kabuhayan ang bumulagta sa aking mga mata. May mga nakasaradong puwesto ngunit marami namang nakakabit na ilaw ngunit wala ring sindi. May mga humahabol sa dyip na may dalang parang toolbox at rinarakatak. May mga mga patinga-tingala. May nakatayo lang ngunit karamihan, hangos sa paglalakad.

Andami kong napansin kasi trapik. Panay din ang punasko sa aking pawis sa pisngi. Ramdamko na kasi ang agos nito sa aking leeg. Buti na lang asul ang aking panyo. Malamang guguhit din ang gaputik ko nang pawis. Pinagpapawisan ako sa init, lalo na sa niyerbyos.

“Sobrang taas na ang mga bilihin…”

“Ku, may mura pa ba ngayon? Pati abuloy tumaas na rin. Ang nakakabuwisit e, andami pa lang nabulok na bigas. At ang pangit pa, kaya pala sobra ang presyo e, tumiba pala ang mga hinayupak na importers.”

Hindiko nga alam kung bakit narinigko ang kanilang usapan sa kabila na kasabay pa nila ang awiting tatsulok ni bamboo na kumukoro na sa stereo ng dyip.

Bigla may sumabit na lalaki sa istribo. Nanlilimahid din sa pawis. Halatang hindi na ata nadapuan ng tubig ang kaniyang buhok. Pumasok siya sa loob ngunit di umupo. Isa-isang pinagpupunas niya ang aming mga sapatos sa hawak niyang basahan na sa wari ko’y mas marumi pa kaysa sa sapatosko.

Balik ulit siya sa istribo sabay lagay ng isang lata sa gitna.

“Hindi naman po siguro abala sa inyo itong lata. Kunting tulong po para makakain.” Isa-isa niya kaming tinitigan.

“Mas maganda na po ito, kaysa sa magnakaw po, di ba? Barya lang po lang naman.”

Nandoon ang kaniyang nagsusumamong mga mata. Talo niya si Piolo Pascual kung magpa-cute.

Kinapako ang aking bulsa. Tumingin ako sa aking mga kasabay sa dyip. Walang kumibo!

Dahil bumunot na ako, pinanindiganko na! Lumagapak ang sampung piso sa lata.

Shit! Sampu pala ang aking barya. Nanghihinayang na lang ako na inulila ng sampung piso sabay tingin sa lalaking tumalong patalikod mula sa dyip. Kipkip ang lata ng aking sampung piso!

“Kay laking katawan, nanghihingi. Pwe!” Sambit ng isa sa mga babaeng nagrereklamo kanina sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Kibit balikat lang naman ang lalaking nakasuot ng Levi’s.

“Baka pansugal lang niya o pambili ng rugby…” Sambit ng babae na kanina lamang nagising dahil sa biglang pagpunas sa kaniyang sapatos ng lalaking namalimos. Ang masama, nakatingin siya sa akin. Parang kasalanan pa ang tumulong, bawal ba?

Sari-saring biyahe.

Sari-saring destinasyon.

Sari-saring pamamaraan.

May sumasakay kung sa anu-ano. May naglalakad. May tumatakbo. May natutulog. May mga walang paki.

Ngunit, iisa ang direksyon: itawid ang buhay sa isa na namang araw.

Pumara akong bigla. Ang destinasyonko ay wala pala sa karatula.



4 responses to “Ang Destinasyon ay Sa Karatula Lang Ba?

  1. Pong February 12, 2011 at 8:14 am

    alam ko po sa batas bawal ang magbigay sa mga palubi
    pero nung nasa Pilipinas ako kapag may nangihingi lalo na kung mga bata binibigyan ko
    basta kahit saan yun, basta may pera din naman ako.
    ang hindi ko lang minsan makuha yung iba hindi na nagbigay madami pang sinasabi
    ang totoong buhay nasa kalye, yun ang paniwala ko.

    magandang araw po sir, muling nadaan si Pong.

  2. Ka Loren February 14, 2011 at 6:42 am

    Ka Pong, musta na? Malapit ka nang makabalik sa ‘pinas!

    He he, ang buhay ay nasa lansangan! Yan ang totoo at yan ang sobrang totoo, Sir. Dito makikita lahat ng klase ng namumuhay at pamumuhay, ang rumaragasang agos ng buhay…

    di rin ako mapagbigay Sir…kasi ipinanganak ata akong maramot at komunista ang pananaw…ngunit, may mga bagay na dapat ding ibigay paminsan-minsan…

    dagdaganko pa sana noon itong kuwento ngunit sobrang radikal na ang mga sumusunod na talata…mahirap na, tibak pa rin kasi ako hanggang ngayon e…

  3. duking February 14, 2011 at 2:42 pm

    may mata ang isip mong nakabukas para tignan ang buhay sa paraang hindi makikita ng ordinaryong mga mata ng karamihan.

    para na rin dito!

    may idea tayo kung saan nga ba tayo papunta pero bibihira ang nakababatid kung paano tayo makakarating dun. tama lang ng sinabi mo na ganito lang dapat: ‘itawid ang buhay sa isa na namang araw’

    • Ka Loren February 15, 2011 at 3:48 am

      naku salamat po Ka Duking… sa pagpuri…ngunit panis pa rin ako sa mga lalim ng mga pagsipatmo sa mga bagay-bagay…

      dahil po sa rumaragasang agos ng buhay, kadalasan, e, di na rin batid ng mga karamihan kung anong bato sila natisod at dahil rin sa malayong puntirya ng mata—ang patutunguhan… kung sana, simple lang ang adhikain: itawid ang buhay sa isa na namang araw.

      muli salamat, at hapibalentayms…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: