Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Nang Nagrebolusyon ang Isang Magbabalut…


Balut egg

Image via Wikipedia

MALAPIT nang magtago ang araw sa likod ng di-kalakihang bilding malapit sa pinagkukunan ni Enteng ng mga panindang balut. Kinalas niya ang dalawang butones ng kaniyang polo. Bakit pa kasi pinagpolo pa siya ng misis niya, e, kukuha lang naman siya ng balut sa ikatlong kanto malapit sa gate ng Aguinaldo sa Libis. Umaalingasaw ang init na tila nanggagaling sa mga bitak ng manipis na semento sa harapan ng mga salansan ng itlog. Pangsampu pa si Enteng sa pila ng mga aangkat.

“Parang dumami ‘ata kami ngayon, a.” Sambit niya sa sarili na ang tinutukoy ay ang mga aangkat ng balut. Pilit pinapakinggan ni Enteng ang balita sa radyo habang nakatayo siya sa pila ng aangkat.

“Nananawagan po kami sa mga Pilipinong nagmamahal ng bayan, kailangan namin kayo sa labas ng Crame…” bulahaw ng radyo ngunit hindi ito pinansin ni Aling Dionisia dahil abala siya sa paglista ng mga inaangkat na balut. Masayang-masaya siya dahil kahapon pa siya nakakarami ng tinda. Tila kasi dumadami daw ang mga tao sa EDSA at sa kahabaan ng Libis. Itinaas na nga niya ang presyo ngunit dumadami pa rin ang aangkat. Buti na lang umabot pa dito ang deliber mula sa Bulacan. Kaya, abot-tenga ang ngiti niya.

“Sige, magrali kayo at yayaman ako…” Sagot ni Aling Dionisia sa panawagan ng nasa radyo.

“Tama ka dyan, Aling Dionisia!” Sabay-sabay na turan ng mga nakapilang magbabalut.

“Aling Dionisia, babalik ako kaagad kung mabentako itong 200 ko!” Sigaw ng isang paalis ng magbabalut. Apurado siya sa pag-uwi dahil lulutuin pa niya ang balut. Tamang-tama sa oras ng takipsilim.

PAPITO-PITO si Enteng habang naglalakad, naghahanap ng maupuan dahil napakaraming tao sa daan. Nakarami na siya, pangalawang basket na niya ito.  Makakaraos na rin ang pamilya niya sa loob ng isang linggo.

Hindi matanto ni Enteng kung bakit nagdadagsaan ang mga tao e, gigiyerahin na daw ni Pangulong Marcos ang mga nag-aalburotong PC sa loob ng Crame. Parang nagpipiknik pa lang ang karamihan, sumasabay sa agos ikanga. Naglabasan kasi lahat ng mga tao sa mga village sa palibot ng mga kampo, kaya nakisabay na rin ang mga iba. Tapos, walang pakundangan ang pagparking ng mga mayayaman at mayayabang ng kanilang sasaksayan sa gitna ng daan. Palibhasa, abala ang mga PC sa loob ng Crame at karamihan naman sa mga sasaksayan ay mga alipores ng mga nasa kampo, walang sumita sa mga nakaparking na sasakyan. Naabala tuloy ang mga nagdaraan. Kaya, hayun, parang dumami ang tao sa daan.

Umupo si Enteng sa tabi,  sa di kalayuan ng mga kumpul-kumpol ng mga tao. Nagsimula ng kumanta si Freddie Aguilar sa ibabaw ng isang trak. At, naghihiyawan ang mga tao. Parang may konsert, sambit ng isang dumaan sa harap niya.

Bigla! Umungol ang kapaligiran at nagtakbuhan ang mga maraming tao. May mga ilang nagkabit-bisig at dahil sa bilis ng pangyayari, napasama si Enteng sa alon ng mga nanggagalaiting mga madre at pari at mga estuyante na sumalubong sa mga tangkeng panggiyera.

Pilit kumawala si Enteng sa kadena ng mga tao pero lalong naiipit lang siya. Ayaw niya kasing bitiwan ang basket ng balut. Malulugi siya kung magkataon.

Huminto ang mga tangke at nag-alay ang mga madre ng mga bulaklak at nagsimulang nagdasal. Napagkadisketahan ang basket ni Enteng at isa-isang iniaabot ang paninda niyang balut sa mga kawal na nakapulbatel ger. Pumalag si Enteng ngunit nanlumo na lang siya ng walang pumapansin sa kaniyang suliranin.

***

NGAYON, dalawampu’t limang taon na ang nakalipas. Si Tatang Enteng ay magbabalut pa rin at siya ang umaangkat sa mga malilinis na diyaryong napupulotko.

“Nasa frontpage din ako noon sa diyaryo– ang taong nakabitibit ng basket ng balut sa tabi ng isang tangke. Ito.” At ipinakita niya sa akin ang pinakatagu-tago niyang alaala ng siya ay nakipagrebulosyon.

Bigla, pinagtutupi niya ang lumang diyaryo at linagyan ng asin sabay bigay sa akin.

“Tulad ng asin na maalat pa rin, wala ring nabago sa aking buhay, maliban sa mas mahal na ngayon ang asin at balut…” buntunghininga niyang pabaon sa akin habang ako naman ay nagpatuloy sa aking pagtulak sa munti kong kariton.

8 responses to “Nang Nagrebolusyon ang Isang Magbabalut…

  1. Joy March 1, 2011 at 11:35 am

    Ang mga senaryong inilahad ay talaga namang mga reyalidad ng buhay dito sa Pilipinas kaugnay ng EDSA Revolution na hanggang ngayon ay di ko rin makita ang positibong epekto sa ating bayan sa kabuuan.

    • Ka Loren March 1, 2011 at 2:35 pm

      Kay Joy,

      Reyalidad ba ito sa EDSA 1? he he he…nagtatanong lang…

      Ano ba ang hanapmo na sana’y dulot ng EDSA 1? Totoo bang People Power ang nangyari o ang People Power ay angkin o salitang namutawi lang galing kay Gen. Ramos?

  2. duking March 8, 2011 at 8:25 am

    naging bahagi si mang enteng ng rebolusyon. EDSA 1 to be eksak. sa sobrang dami kasi ng EDSA, kailangan alam mo kung nasaan ka sa mga iyon.

    ako, 6 years old ako nung EDSA 1. Wala akong alam bago iyon at pagtapos nun maliban lamang sa supresyon ng martial law sa napakaraming karapatan at saka ang pagkabuhay ulit ng TV pagtapos nun. sa pag-aaral at pagbabasa, lumawak ang nalaman ko sa EDSA 1. ang mga prinsipyong pinaglaban, ang paninidigan para sa demokrasya. sinasabi ring naging inspirasyon tayo ng mundo.

    iba sa personal na pangyayari sa buhay ni ka enteng nang ang landas niya at ang landas ng EDSA ay magtagpo. ah, lagi’t laging may mahirap hanggat ang rebolusyon ay isinisindihan lamang ng iilang taong nakaka-alam ng kapakinabangan ng tagumpay nito. nakinabang ba si mang enteng? tingin ko hinde. dahil naroon siya sa lugar na hindi dinidikta ng kanyang prinsipyo na tindigan niya.

    hahaha.ang haba ng kuro ko. sensya na ka loren!

  3. Ka Loren March 8, 2011 at 9:33 am

    ah, lagi’t laging may mahirap hanggat ang rebolusyon ay isinisindihan lamang ng iilang taong nakaka-alam ng kapakinabangan ng tagumpay nito

    Hay, ‘yan nga rin ang hinaingko…ako magsisimula pa lang akong makaintindi ng kunting politka noon…wala rin ako sa EDSA, ngunit tulad ng sinabiko noon, sisipatinko ang mga pangyayari mula sa ibang pagtanaw. kung may maaantig, ayos sana.

    Ka Duking, napagandang angkinin na tayo ang inspirasyon ng payapang rebolusyon…na tulad ng Berlin Wall, ngunit hindi pa buwag hanggang ngayon ang bakod sa pagitan ng mayayaman/naghaharing-uri at ng manggagawa o mahihirap…na kalayaan sa mga naaapi…hindi ko rin alam ang epekto ng rebolusyon na ito sa buhay ng mga nakilahok he he…

    salamat…

  4. sphere March 14, 2011 at 3:56 am

    Mahabang backread ang gagawin ko ngayong araw nato hehehe

    pameryenda ka naman ung banana que meron don sa kanto hihihi

    • Ka Loren March 15, 2011 at 4:47 am

      hu!hu! sowe po di ko kayo napamerienda kahapon…sana napansin kayo ng mga katambayanko sa kanto at naabutan kayo ng pampalamig h ehe…

      siyanga pala, ba’t di ako makakatok sa bahay po ninyo…? laging sablay ‘pag pumapasok ako…kasi bago na kasi e kasi…tsk tsk!

  5. Daniel P. Yuson Jr February 18, 2012 at 9:51 am

    Ka Loren,

    We could all be part of history just like Mang Enteng.😉

    D

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: