Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: basura

Ang Mga Pasko sa Buhay ni Anib-1

Whenever I see girls and boys
Selling lanterns on the streets
I remember the Child
In the manger as He sleeps…

Nakakabingi ang alingangaw na galing sa basag na yatang trumpa na nakakabit sa radyo ng trak.

Simula na naman ang paghakot ng basura.

***

Desyembre 24, 5:00 ng hapon, ngayong taon.

“Tata, baba muna po ako. Tinatamad akong maglibot ngayon sa village.” Sabi ni Anib ng tanungin ng matandang tsuper. Parang anak na rin kasi ang turing sa kaniya. Umaga’t hapon na sumasabit siya sa trak simula noong nag-umpisa ng kanilang christmas break. Napansin kasi kanina ng matandang na panay ang iling niya at matamlay na nakasabit sa bintana ng trak sa tabi ng drayber.

Bisperas ngayon ng pasko. Mahigit isang linggo na ang lumipas na araw-araw siyang sumasabit sa paghahakot ng basura pero kahit anino man lang ni Ania ay di niya nasilayan. Susubukan niya ngayong matyagan ang gate ng bahay at magbabakasakaling lalabas si Ania.

“Bukas, Tata, paskona at marami-rami din siguro ang basura, mag-aalas singko po ba tayo?”

“Oo, Barok. Marami ang mga basura bukas.” Sagot naman ng drayber. Saglit na tinitigan nito si Anib. Humugot din ng buntunghininga.  “Sige, at meri krismas na lang, a. Sana matanggapmo na masaya ang asam mong regalo. Ingatka lang baka mapagkadisketahanka ng mga guwardiya diyan.” At ininguso pa ng drayber ang gawi ng entrance ng subdivsion. Nararamdaman at natatantona ng matanda na hindi sasabay si Anib paglabas nila.

Pinampag ni Anib ang tagiliran ng trak sabay kindat sa dalawang pahinanteng kanina pa’y nakamasid lang sa kaniya. Pinandilatan siya kasabay ang puno ng pag-asang mga ngiti. Inapakan na rin ng matandang drayber ang akseletor kasabay ng pagtalon ni Anib.

Sabay-sabay na nahugot ang mga buntunghininga mula sa apat na nagbabasura.

“Meri krismas!” Ang sabay-sabay ding nabigkas.

***

Nandito ang karugtong…

Advertisements

Pot of Gold

I’ve been searching for a pot of gold like the kind you find at the end of the rainbow…

Fleetwood Mac, As Long as You Follow

Nakakalungkot isipin na araw-araw maraming mga kababayan, kaibigan at kamag-anak na nangingibang bansa dahil sa ‘paghahanap ng isang luntiang pastolan’, o di kaya’y ang makasaysayang ‘pot of gold’ sa dulo ng bahaghari.

Natanongko tuloy at idinikitko pa sa facebook kung ‘lahat ba ng dulo ng bahaghari ay nasa ibang bansa?

Marahil nga, nasa ibang bansa ang banga ng kaginhawaan… at unti-unting ipinapadala sa atin dito sa ‘pinas ng ating mga mahal na kamag-anak, kaibigan, kababayan habang sinisikil nila ang paghulagpos ng pangungulila sa kinagisnang samyo at gayak kung ganyang tinitingala nila noon ang nakakabighaning bahaghari.

Marahil, kalakip nito ang mga tuyong luha, mga piping hikbi at ang isang dipang pagsusumamo na sana ang gintong nakalkal sa disyerto, sa nyebe, sa indayog ng barko, sa mga kisameng nilinis ng agiw, o mula sa mga takatak ng keyboard o pagpindot ng mouse, ay makagagawa ng mga bahaghari na ang dulo nito’y nakatusok sa bayan kong Pilipinas. Na sana sa tuwing pagsapit ng kulimlim at pagpatak ng mga ambon sa buhay, na sana tuwing lalabas ang matalinhagang bahaghari, masasabi na nating: dito ang dulo ng bahaghari at dito sa lupang ito nakabaon ang banga ng kaginhawaan.

Kailan kayo ito mangyayari?

Kailan hihinto ang pag-ikot ng baggage counter sa airport?

Kailan kaya mawawala ang mga musmos na kumakaway ng paalam sa ina o tatay habang nilalamon ito ng aircon sa airport at nag-iiwan ng malungkot ngunit puno ng pag-asang flying kiss?

Pero sabi nga nila:

I want to live, I want to give, I crossed the ocean…, so I keep on searching for a heart (maybe pot) of gold…

Neil Young, Heart of Gold

Sa oras na ito, marami na naman ang mag-fa-fasten your seatbelt, we are approaching…_____________airport in a few minutes…

At sa paglapag ng eroplano, isang nag-aatubiling hakbang ang siyang simula ng bagong paglalakbay patungo sa banga ng kaginhawaan na minsan tiningala at pinangarap na matagpuan sa dulo ng bahaghari.

Sa basura na lang ba ako mangangarap ng isang banga na punumpuno ng ginto?

%d bloggers like this: