Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: basurero

Alimpuyo: Ang Larawan

Huling parte ng Kuwentong Basurero: Alimpuyo..1, 2, 3, 4

****

Wala talaga, Pads. ‘di sila makaparito. Pirmi ang sona sa baba. Nahihirapan daw silang pumuslit.

Naglalaro pa rin ito sa isipko. Tatlong linggo na rin ang lumipas mula nang ako’y matiyagang nagmasid at naghintay na may ibubulwak ang mga damong nakalambong sa tagong liwasan patungo sa aming kampo.

Mainit na rin talaga sa baba ayon sa aming pasabilis na nagtitinda ng taho. Minsan na daw siyang nasita at binagansiya. Yung isa nga na aktibo sa kilusan, kinasuhan ng pagbibinta ng shabu noong dinampot siyang nagtitinda ng boneless bangus.

Mainit na sa bayan at kailangan na kaming umasa sa mga kasamang magsasaka para sa abasto namin. Panay na rin ang ronda ng mga patrol at minsan nga may ginawang pagpupulong sa eskuwelahan sa baryo namin at pinapirma lahat ng attendance ang mga dumalo. Binigyan pa sila ng mga card.

Kinabukasan, lumantad sa lokal na dyaryo na may mga 300 na rebel returnees sa baryo namin. Lintek!

Nagimbal ako sa yugyog ng aking balikat. Mabilis na gumagapang ang isa sa aking mga kasama. Panay ang senyas at tila atubili.

Swissssss!

Parang lamok na dumadaan malapit sa aking taynga ang bala. Humagitgit ito sa mga dahon sa aking likuran. Tumapyas sa isang sanga. Sunudsunod na ang mga humahagibis na bala. Parang kumukulong kanin ang tampisaw ng mga bala sa lupa. Tumatalsik ang mga batong mataan. Napayuko ako at sapat lang na hindi ako natamaan ng mga rumaragsang bala ng M60.

Bra tat ta ta tat! Ping! Tsing!

Patawarinmo po kami, Apo. Ama, gabayanmo po kami. Sunudsunod na ang pagsamoko sa mga anito ng kabundukan.

Luminglinga ako at nagtilamsikan na ang mga ga-hinliliit na mga tuyong tangkay na bigla kong nadapaan. Parang naghahanap na ako ng mga anitong kukubkob sa akin. Nakita kong parang lahat ay nakadikit na ang mukha sa lupa. Wala ng gumagalaw sa aming lahat. Iba-iba ang iginuguhit ang mga mukhang malapit lang sa aking foxhole.

Pads, ano na?! Liningonko ang palapit na kasama. Magdidilim na.

Wala pang putok na galing sa aming grupo. Hinihintay ang hudyatko. Alam din nila na talo kami kung sasabay sa putokan. Kulang kami sa bala. Malamang pati rin sa bilang.

Mauna na kayo sa likod. Sabihinmo, magpaiwan ang lima na kasamako. Mag-iwankayo ng mga bala. Nagmamadali kong utos.

Kunin n’yo lahat ang puwedeng mabuhat na documento. Bilisan nyo! Idinagdagko pa.

Ano?! Aatras tayo?

‘di naman siguro karuwagan ang aatras, di ba? May mga panahon pa para magamitmo ang tapangmo! Hala, batsi na!

Pads…

Ba’t kaya wala man lang pasabi ang mga pasabilis? Tanongko sa aking sarili. Malapit na sila… At napakagat na lang ako sa aking labi.

Kinapako ang gatilyo ng M-14. Mainit.

Nakalayo na sana kayo… Naimtim akong bumulong sa hangin.

Tumahimik na ang mga putok na galing sa mga nagsosona. At, naging kalbaryo ang mga ilang sandaling lumipas.

Itinuroko ang aking mata at ipinakitako ang aking kamay sa mga nakatingin pa rin sa akin na mga kasama. Iningusoko ang harapan. May nasilip kasi akong mga limang kalaban na maingat ding gumagapang sa damuhan. Hudyat na rin ito na maari na rin kaming magpaputok.

Unti-unti tayong aatras! Ibinilinko pa ngunit parang ako na lang ang nakarinig. Impyerno na ang takipsilim. Gumuguhit ng dugo ang mga ulap.

Nagwawala na rin ang gatilyo ng M14 ko:

Ba’t ka pa lumabas? Ba’t mo pa iniwan ang sotana kung ipagpapalitmo lang din kami sa bandoler? Si Imnas. Hinahaplos niya ang ulo ng magtatatlong taon na ding si Iskuat.

Si Iskuat. Iskuat ang pangalan ng aking anak na ang unang mundo ay iskuwater. Emmanuel ang tunay niyang pangalan. Isinunodko kay EMan, ang ama ng hulagpos.

Di ako sumagot. Ginuloko lang ang buhok ni Iskuat na kanina’y inaayos lang ni Imnas.

Lalaki ba ang anak mong wala ka sa piling namin? Na sa bawat gabi ay hindi namin alam kong makikita ka naming muli? Kailan kami maghihintay sa muli mong pagbalik? Si Imnas na naman.

May hangganan din ang bawat paghihintay,  Imnas…

Tang, tang. Bigyanmo rin ako ng baril, a. Para lang nagpapabili ng laruan ang aking anak.

Hindimo na kailangan ng baril, barok…

Pads! Pads… Lumagapak ang palad sa aking pisngi. Wala ng putok.

May tamaka, Pads. Iniutos ni Eman na iatras ka namin. Nasa tapat na tayo ng sitio ninyo. Babaka muna sa bahay ninyo…

Si Eman? Pinaatrasko na sina Eman!

Binalikan tayo, Pads. Wala ng putok. Mahigit isang oras na na tumila ang mga putok. Nawalan po kayo ng malay kanina.

Liningonko lang ang kasama. Babalikanko si Eman…

Eman….

******

Tino! Tinoo!! Ano na Tino!!

Yakap ni Imnas ang aking ulo. Pilit niyang ibinangon ang uloko na kanina’y nakapatong sa lamiseta. Nagkulay dugo na ang mga nagkalat na mga papel ng mga sinulatko. Nakalaylay ang aking mga braso ngunit tikom pa rin ang kanan kong kamao. Hawak ang kaliwa kong kamay ang larawan ni Imnas. Ito ang larawan na matagal na ring nakaipit sa isang folder, ang pinaghugutan ko rin noon ng apoy ng paghuhulagpos.

At ang larawan naming tatlo: Ako, si Imnas at si Eman.

Parang naalmirol na rin ang pantalonko sa naninigas ng dugo. Dumaloy ang dugo sa sapatosko at natuyo na sa sahig na tabla.

Patawad Tino… nahuli kami ng anak mo noong patungo kami sa kampo. Ayaw kong mawalaka sa amin Kumander Pads…

Hinablot ni Iskuat ang mga larawan sa aking kamay.

Mataas na ang araw.

Tang! Tatang….

<NATAPOS DIN>

Pahabol (at paumanhin na din):

Ito ay buod ng ilang parte (buod pa lang ‘yan, hay naku)  ng balak ko noon na gawing maikling nobela na umiikot sa buhay ng apat na bata na sina Inot, Eman, Imnas at Anib. Ang kuwento ng batang si Pads (Inot o Tino) ay ang sapatos kung saan ang setting ng Sapatos ay nasa interrogation room he he he…(di pansin ano?) Hindi ko nga alam kung patayinko na dito (sa katatapos na kuwento) si Inot, e, pero paano pa mapunta ito sa interrogation room, hay.

Ang mga kuwentoko ay nagawang magulo ang plot dahil kung minsan ‘la naman talagang plot ang buhay.

Si Anib ay aabangan niyo nalang sa krismas, pang krismas kasi ang kuwentong panimula niya he he he.

Sana kapag hindi ako tamaan ng sakit na katamaran, ihahainko na rin ang panimulang kuwento ni Eman.

Si Imnas, ala pa talaga akong nasimulan. Kayo? Maari n’yo namang gawin e he he he.

Ang istayl sana ng presentasyon ng mga kuwento ay parang mexican-telenovela. ‘yon bang sa iisang sandali ay sabay-sabay na may nangyayari at salit-salitang ilalabas at biglang may lalabas na patalastas tulad din sa TV he he he…

At tulad din sa kariton kong basurero, walang ayos ang mga basurang maitambak, bote, bakal, dyaryo…halu-halo.

Salamat po sa inyong lahat.

Ka Loren 😀

Advertisements

Alimpuyo: Pag-aabang

iv. ang pag-aabang

Ang tagal namang magliwanag! Buntunghiningako. Nakakabagot.

Malamok at nagsisimula nang lumamig ang ihip ng hangin. Nanginginig na ang aking laman na hapo sa maghapong paglalakbay. Tinignanko na naman ang giwang sa damuhan. Maaaninag ang maliit na daanan dahil sa kunting liwanag na dulot ng ga-guhit lang na buwan. Ano na kaya ang oras? Alas dos.

Sakripisyo ba talaga ang paghintay?

Ba’t kaya wala na sila? Kinakausapko ang hangin.

Dalawang taon na mula nang iniwanko ang sotana at estolako sa ka-eskwateran. Sa tabi mismo ng seminaryong pinanahananko at kung saan ako doon nagkaroon ng tamang isip. At kung saan doon ako nagsimulang namulat sa mga katotohanan. Doon, sa seminaryo na labindalawang taon akong nakatago sa likod ng sotana, na kumapit sa lakas ng estola. Doon, na may pader na mataas. Doon, kung saan gate din ang butas ng imbornal. Doon, kung saan ang mga tuyo at itlog ay iniilingan. Doon sa seminaryo na ang katabi’y eskwater. Doon, sa kung saan ang kunting sopas na ipinamumudmod ay nagdudulot ng damdaming kawang-gawa sa mga nakasotana. Doon, kung saan ang sigaw ng mga batang pumipila sa sopas ay: karapatan din naming kumain!

Oo, dalawang taon na ngayon ang nakalipas mula noong ako’y tinitigan ng isang kasama na parang tigre.

Oo, dalawang taon na nang ako’y tinanong kung napapaginipanko ba sila.

Oo, dalawang taon na mula noong ako’y nagising sa aking pagkukunwari. Nang ako’y natutong umiba ng landas. Nang iniwanko ang daang-matuwid. Nang ako’y nakarinig ng mga diskurso sa hangin.

Doon sa seminaryong may mataas na pader na sumara sa aking pagtingin sa mga nangyayari at mga pangyayari sa labas–sa likod ng kuwadradong pader–na punung-puno nga ng hirap at pighati, na taliwas sa katiwasayan at matiwasay na pamumuhay sa loob ng nakapader na mga buhay. Sa isang parte din ng pader, doon may nasunog na bangkay– doon mismo sa tabi ng tinatawg na Fathers’ House–doon mismo, nabusalan ang isang pangarap at pangako ng isang kabataan.

Anim na buwan, eksaktong anim na buwan, nang ako’y nagising sa aking pagkukunwari. Eksaktong anim na buwan mula nang isa sa aking mga kasama ang tahasang nagpamukha sa akin na may mga lipunan din na umaasang makita din ang pangakong hustisya na hindi nakakamit sa pagsesermon lang sa mga pulpito.

Oo, eksaktong anim na buwan mula ng isang magaling na seminarista at pintor na puminta sa nakadipang binata na handang yumakap ang nagsabing: Sa baba ng puyo, nandoon ang laban! Sa baba ng puyo may huhulagpos!

Iniwanko na rin ang aking sotana at estola sa eskwater at hinanapko ang landas na para sa akin. At sa loob ng dalawang taon, sariwang-sariwa pa sa aking alaala ng muli naming pagkikita sa kaeskuwateran, sa mismong tabi ng pader na humadlang sa totoong mukha ng mundo.

Nandito sa labas ang pagkilos. Nandito sa labas ang tunay na laban, Pads.

Dumadagundong pa rin sa isipko.

Oo. Mula dito sa pusoko, bumukal ang tunay na tapang ng isang mandirigma ngunit dito sa mismong paladko tinatamasa ang tagumpay. Ang tunay na laya, ang kalayaan. Dito sa baba ng alimpuyo, nandito ang simula ng pakikibaka at hindi sapat ang mga salita sa pulpito na puro pasingaw lamang. Kailangan ang pagkilos. Hindi pwedeng tagapagkilos ka lang. Makiisaka sa pagkilos. Mamilika. Dito o doon ka. Walang papagitna. Walang gitna.

At isa pa, Pads. May nasaling akong damdamin. Minahal ako at minahalko rin. Ipaglalabanko ang aking damdamin at ng damdamin ng mga nakikiisa sa akin.

Magiging ama ako. Ngunit, bago magkaganon, bibigyanko na ng laya ang daan na tatahakin din ng susunod sa aking anak. Ang susunod sa aking lahi.

Patawad, Pads, at ihingian mo ako ng patawad. Malawak ang aking pagmamahal. Mas malawak kaysa sa ginagalawan nating dalawa.

Sutil ang diskurso sa hangin.

Dumadagundong ang mga salita niya sa akin. Pabalik-balik.

Mayroon din sana akong lakas na tuladmo.

Yan ang pahabolko noong muli niya akong itinuro na astang hagubilin na hindi ako susunod sa kaniyang daang tinahak.

Ha! Dagli-dagli kong hinanap noon ang larawan na inipitko sa isang folder. Sinapo ko sa aking palad at: Nasa paladko ko rin ang aking lakas!

Pads, baka di na sila babalik. Nagulantang pa ang aking pag-iisip.

Baka sa susunod na araw na lang sila babalik. Si Eman.

Hindi! Babalik pa sila. Babalik pa sila…

Pads….

Muli naiwan akong mag-isa na nakatingin sa daanan, ang giwang sa damuhan.

Hindi na sila siguro nakasunod. Baka di ko na makita ang mag-inako. Sambitko sa aking sarili at naalalako ang nangyari noong isang linggo:

Hala! Hanapin niyo silang lahat! Marami ng utang ang mga ‘yan. Kailangan na nilang magbayad! Utosko sa aking mga kasama.

Linampasanko pa ang nakalupaypay na kamay ng driver ng army trak. ‘sensya na brod. Nasa kabilaka nasa ibang panig din ako. Kinausapko ang wala nang buhay na driver. Inapirko pa ang kaniyang lupaypay na palad.

Masuwerteka kasi makikita pa ng mga familyamo ang iyong bangkay. Sabiko na naman sa isang nakahandusay na bangkay sa tabi ng gulong ng trak. Pinulotko ang nahulog na Rosary sa tabi niya. Isinuksokko ito sa kaniyang bulsa. San Pedro, M. ang nakalagay sa name plate. Hinilako ang nadaganan niyang bandoler at isinabitko na sa aking balikat. Puno pa rin ng bala. Binitbit ko na rin ang kaniyang baril. Thanks…

Walang maghahalungkat sa mga backpack. Mga pitaka, huwag ninyong pakialaman. Maliligalig lang ang inyong isipan kung mayro’n pa kayong malaman d’yan! Iniutosko sa mga kasamang dali-daling namumulot ng mga bala at baril.

Oo. Bawal sa akin ang may maghahalungkat sa mga personal na bagay sa mga nasasawing kalaban. Maliligalig lang ang isip kung may makitang lawaran ng isang bata o asawa sa mga pitaka o bulsa ng mga nasawi. Palaging may paninisi sa kanilang mga mata. Nakakaantig din.

Ba’t sila nararamdaman ba nila, Pads? Sagot noon ng isang kasama.

Sila. Oo. Sila. Ikaw? Ano ang iyong nararamdaman? Sinagotko din ng tanong ang tanong niya noon. Narinig ito ng iba pa naming kasama. Walang sumagot. Oo. Walang naglakas loob na sumagot.

Simula noon, naging alituntunin na namin ito sa aming pakikibaka. Walang anumang masagi maliban sa mga armas at documento.

Tayo na! Utosko noong malamanko na patay lahat ang mga nakasakay sa trak. Malagim ang ambush! Parang buhay na ulang na biglang mailagay sa mainit na palayok. May mga makatalon pero sa apoy din sila babagsak!

Pads, tulogka muna. Baka pagliwanag, nandito na rin sila. Ako naman ang mag-aabang.

Sige nga… At, tinungoko na rin ang aking kubo. Malapit na rin ang inaabangang umaga…

Itutuloy…

%d bloggers like this: