Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: ka loren

Mga Pasko sa Buhay ni Anib-4

Mga Pasko sa Buhay ni Anib-1, 2, 3

***

Desyembre 24, 7:00 ng gabi, dalawang taon na ang nakalipas.

“Nang! Ania! Si Tatang!” Malayo pa sa pintuan ng bahay nila si Anib todo na ang kaniyang sigaw. Garalgal na ang kaniyang boses. Namamaosna. Ipinunas niya ang kaniyang braso sa tumutulong pawis mula sa kaniyang pisngi. Tumulo na rin ang kaniyang sipon. Sininghot na lang niya ito. Umiiyak na siya!

“Nang, si Tatang…” Inulit ni Anib. Garalgal ang matinis niyang boses.

“Bakit? Bakit si Tatangmo?” Hawak pa rin ni Nanang Magda ang balot ng knorr cube at sinalubong ang humahangos niyang panganay.

“Ano? Napaano si Tatang?” Tanong naman ni Ania habang isinusubo ang huling tatlong butil ng mais mula sa kanina’y isang supot ng kornik. Tumayo na siya mula sa kanilang bintana. Kitang-kita niya kanina ang kaniyang kuya na kumakaripas ng takbo. Lumapit na rin siya sa kuya niya.

“Hinuli daw ng mga pulis. Sabi ng mga kasama niya diyan sa Commonwealth.” Singhot ni Anib at sumalampak na lang siya sa ikalawang baitang ng kanilang hagdanan na may tatlong baitang.

Hindi nakarating ang kanilang Tatang sa gabi ng Pasko. Unang gabi sa malay nilang magkapatid na wala ang Tatang nila. Unang pasko din na kahit pansit man lang, e, wala silang handa.

Nakasanayan na rin kasi ni Tatang Delfin na may pansit na pasalubong. Pasko man o Biyernes Santo, pansit pa rin ang dala. Nagkasiya na lang ang adobong kangkong na noche buena nila. Hindi na sila naghapunan sa kahihintay kanina sa kanilang Tatang. Nagbabakasakali silang baka inimbitahan lang ito sa presento at papauwiin din.

Ito ang unang pasko sa buhay nina Anib at Ania na hindi nila nayakap at nahalikan ang kanilang ama.

***

Desyembre 24, 7:30 ng gabi, ngayong taon.

Pinapanood ni Anib ang mga batang nagsisindi ng mga lusis. Grupo-grupo ang mga ito. Pagarahan at kantiyawan ng mga laruan. Ang rarangya ang kanilang damit! Maingay silang lahat! Malayo sa itsura ni Anib at singlayo ng tala ang saya nila sa lumbay na bumabalot kay Anib sa sulok ng ficus at sa dilim na dulot ng malayong street light.

Kapagdaka’y nagbabuzzer ang mga iba sa mga gate upang mamasko. At, kapag nakabukas na ang gate, sasabayan ito ng mga matitinis na jingle bells, felix navidad at whenever I see boys and girls selling lanterns on the street…

May isang grupo pa nga na napadaan sa kinasasandalan ni Anib. Hinagisan siya ng mga kendi at tinapay. Burger pa ‘ata ang isa. Hindi man lang ito nabuksan! ‘di tulad ng mga iniaamot sa kanila noon.

Hay, kaninang umaga pa lang sana, nagprapraktis na sila ni Ania. Peboreyt pa naman nilang kantahin ang whenever I see girls and boys selling lanterns in the street… Nakikipag-agawan na rin sana sila sa mga kapwa batang paslit ng makakantahang bahay. Bitbit na rin sana ni Ania ang pinitpit na tansan at hawak na rin sana niya ang lumang lata ng gatas bilang tambol nila. O, kaya, ang dalawang batong itinutuktok niya sa mga dingding. Masaya din sana sila. At, libre din sana silang gumala ngayon…

“Whenever there are people
Giving gifts, exchanging cards
I believe that Christmas
Is truly in their hearts…

Let’s light our Christmas trees
For a bright tomorrow
Where nations are at peace
And all are one in God…

Let’s sing Merry Christmas
And a happy holiday
This season , may we never forget
The love we have for Jesus

Let Him be the One to guide us
As another new year starts
And may the spirit of Christmas
Be always in our hearts…”

“Ganyan, ganyan din sana ang kanta namin ni Ania.” Naibulong na lang ni Anib sa sarili. Sinabayan niya na lang ang mga batang nagkekeroling sa tapat ng gate nina Ania. Kumalabog pa ang kaniyang didbdib nang magbukas ang gate. Tinitigan niya ito at inasam na si Ania na sana ang lalabas. Wala. Isang katulong siguro ang lumabas kasi nakauniporme ito. Nanghina pa si Anib.  Tumayo siya at diretsong tinakbo niya ang katapat na gate. Hinintay pa rin niya si Ania na lalabas. Dalangin niya, si Ania na sana ang lalabas na magbibigay ng pamasko sa mga kapwa bata.

Nang lumipas ang mahabang sandali na wala pa ring sumunod na nagkeroling, bumalik na rin siya sa dating puwesto. Mahirap na baka mapagkamalan pa siyang magnanakaw. Hinaplos na lang niya ang kaniyang hita na kinagat na ata ng lamok habang linilingon niya ang mga batang tuloy pa rin sa pagsasaya sa kalsada. Muli, binato ng tingin niya ang nakapinid pa ring gate ng katapat na bungalow. Sana, nagkekeroling din sila ni Ania ngayon. Oo, ganitong -ganito sana sila ngayon. Tulad ng mga ibang bata, nagsasaya din sana sila.

Kailan pa kaya mangyayari ‘yon? Oo, kailan pa kaya?

“Sana, ngayong taon na…” at napapikit na lang siya at nagdasal ng taimtim habang patuloy pa rin ang mga halakhak at hagikgikan sa palibot niya…

Itutuloy…

Ang Mga Pasko sa Buhay ni Anib-2

Desiembre 24, 6:00 ng gabi, dalawang taon na ang nakalipas.

“Nang, gabina, hindi ba uuwi si Tatang ngayon?” Tanong ni Ania sa ina sabay  talikod patungo sa durungawan ng bahay nila. Hindi na niya hinintay ang sagot ng ina niya. Di rin kasi nito sasagutin ang tanong niya. Sumalampak na lang siya sa maliit na upuan at itinukod pa ang baba sa pinagtagpi-tagping frame ng maliit na bintana ng bahay nila. Sinipat ng paningin niya ang dulo ng makipot na daanan patungo sa Malaking Daan.

Dumidilim na ngunit marami pa rin ang mga taong paparito at paparoon. Kung saan sila galing o saan sila patungo, hindi abot ng kaniyang murang isip. Basta ang alam lang niya, kaniya-kaniyang lakaran upang mabuhay sila. Marami talagang tao sa eskinita. Mangilan-ilan lang ang mga namumukhaan niya sa mga ito.

Mahirap pa namang maglakad ng mabilis sa daanang ito. Pinasikip pa ng mga lamesitang pinaglalagyan ng mga inilalakong barbecue, ulam o kaya palamig. May estero sa gilid na pilit iniiwasan ng mga naglalakad. Ito ang daluyan ng lahat na pinaglabhan at mga pinaghugasan nitong block na kinabibilangan ng barungbarong nina Ania. Aagos ang tubig patungo sa isang makipot na ilog sa tabi ng mataas na bakod ng subdivision na kadikit ng mga nagkumpul-kumpolang mga barungbarong.

Alam na niya ito. Minsan na rin kasing sinundan nila ng Kuya Anib niya ang daloy. Nakita na rin niya ang maliit na ilog sa dulo ng estero.  Unti-unti nang natitibag ang pampang ng ilog. Maitim ang tubig at pinamugaran na yata ng lahat na bagay. Mga itlog na lang siguro ng mga lamok ang maaring mabuhay sa tubig. Malapit na ring mapuno ng mga basura.

Malaki at malinis din daw noon ang ilog, ayon sa ama nilang si Tata Delfin.  Ngunit, unti-unti itong tinabunan at linagyan ng mga bakod, pinatayuhan ng mga bahay at ginawang subdivision ang ilang parte nito.

Maluwang din daw noon itong lote na kinatitirikan ng bahay nila. Talahiban at mangilan-ilan din daw ang mga bahay. Parang inaayawan nga daw na lupa ito noon. Unti-unting dumami ang mga bahay hanggang sa magawa ang subdivision kung saang lahat na mga nasakupang barungbarong ay inilipat dito.

Naipon tuloy ang mga eskwater sa lugar na ito. Pero, kahit papaano, hindi naman lahat ay mga tagpi-tagping lawanit ang bahay nina Ania. Sementado din ang kalahati nito kaso hindi kalakhan.

Ayun sa kuwento ni Tata Delfin, may isang mayaman din daw na nagpapaalis sa kanila noon. Inaangkin ng mayaman ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Pero, nagbarikada ang mga tagaeskwater. Pinamunoan ito ni Tata Delfin. Sa awa ng Maykapal, hindi na rin naulit iyon. Ngunit, batid ni Ania sa mukha noon ng kaniyang tatang ang takot at agam-agam na balang araw, babawiin din sa kanila ang lupa.

“’Ba’t ‘ala na si Tatang?” Bulong ni Ania sa sarili. “Hindi naman siya inaabotan ng ganitong oras, a…”  Sinipat niya muli ang makitid na daanan. Wala pa rin ang tatay niya. Napansin din niya na may parte pa nitong eskinita na patagilid na maglakad ang mga tao kung ganyang nagkakasalubong. Kitang-kita niya ito dahil tapat mismo ng nag-iisang street light. Nakasindina. May isang ilaw pa naman doon sa pasukan, sa tapat ng store nina Tala na kaibigan niya. Wala pa rin ang Tatang ni Ania….

Nandito ang karugtong…

%d bloggers like this: