Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: kuwentong istambay

Huwag Naman Sana…

Kulang.

Kulang-kulang daw ang mga ipinanganak sa Pebrero. Pumalag ako. Anak ng… kulang daw kasi ang bilang ng araw sa buwan ng Pebrero. Sabiko: Ilang araw ba ang nasa isang linggo? di ba pito? E, sa isang buwan ilang linggo? Di ba apat? Sa makatuwid, 7 tayms 4, e, di 28. Uha! Sakto di ba?

Paano ba naman kasi, e, ipinanganak nga ako sa Pebrero! May papalag?! Grrrr!

****

Tinawanan lang ako. Putris! Ayos talagang mang-alaska ang mga ‘nimal na istambay.

At ito ang matindi, tinanong ba naman ako kung nagdadasal ang aking anak. (O, hayan, may anakna si basurerong pinoy.) Sabiko, oo. Ang lintek, alamko ba daw ang ipinagdadasal ng aking anak?

Nabuwisit na ako. NBI ba kayo at may kaso ako?! (Bulyaw)

Ganito pala ang kuwento…isang kuwentong istambay na naman…

May isang responsableng ama na palaging gumagabay daw  sa kaniyang anak. Hinihikayat ang tatlong gulang na anak na magdasal daw bago matulog at ang mabait na bata naman ay laging nagdadasal.

Kaya, isang gabi sabi ng anak ng responsableng ama, “Panginoon, pagpalain sana ninyo ang aking ina, ang aking ama, ang aking lola…at ako Panginoon.”

“Ba’t di mo isinama ang lolomo?”, manghang tanong ng ama.

“Paalam lolo…” Sambit ng bata.

Kinabukasan laking gulat ng responsableng ama dahil namatay ang tatay ng kaniyang asawa.

Hindi niya ikinuwento sa kaniyang mag-anak ang dasal ng bata. Baka sabihing Pebrero nga siyang ipinanganak. ‘Tsamba lang siguro’, ‘yan ang usal niya sa sarili.

Umabot din ng isang taon na laging ganito ang panghuling dasal ng anak: “Panginoon, pagpalain sana ninyo ang aking ina, ang aking ama, ang aking lola…at ako.”

Ngunit, isang gabi nagulat ang ama dahil may pahabol naman ang bata. “Paalam lola.”

At kinabukasan, namangha siya nang ibalita sa kaniya na patay na ang kaniyang biyenang babae. At, sa gitna ng kaniyang pagpipighati, nasambit niya sa sarili: “Diyosko, may kontak ata itong anakko sa kabilang buhay.”

Hindi niya na naman naikuwento sa mga kamag-anak ang tungkol sa dasal ng kaniyang anak baka sabihin na sinisisi ang anak sa pagkawala ng dalawang biyenan.

At dahil naging abala rin siya sa kaniyang trabaho at late na kung dumating sa gabi, hindi niya naaabutan ang pagtulog ng kaniyang lumalaki nang anak.

Ngunit, isang gabi, mga ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang pumanaw ang kaniyang biyenang babae, naabutan niya ang anak na nagdadasal.

“Panginoon, pagpalain sana ninyo si mama…”

Nabigla ang responsableng ama. “Ano ba ang itinuro ng aking asawa sa bata, ba’t hindi ako kasali sa dasal niya?” May ngitngit sa asawa na sambit ng ama.

Bigla, naulinigan niya ang huling sinambit ng anak.

“Paalam, papa…”

Sa gabi na iyon, balisa siya at hindi man lang siya nakaidlip. Laking pasalamat niya noong magliwanag na at buhay pa siya. Wala siyang gana na pumasok sa trabaho at maghapong niniyerbyos. Kahit ang pagbukas lang ng pinto o kalabog ng mga folder, e, nagugulat siya.

Kinagabihan, nagpasiya siyang matulog na lang sa opisina. Iwas daw ng desgrasiya. Mas safe nga naman daw sa office dahil may guwardiya pa. Puyat man siya noong gabi, hindi siya dinalaw ng antok.

At, laking pasalamat niya ng mag-umaga na. Tsamba lang siguro ang mga pangyayari noon sa mga biyenan niya. Tuwang-tuwa siyang umuwi ng bahay.

Pagdating niya sa bahay, sinumbatan siya ng kaniyang asawa.¬† Bakit ba naman daw siya natulog sa opisina, e, matagal na niya itong ‘di ginagawa?

“Sana natulongan natin si Pareng Julio na kabitbahay natin, inatake sa puso kagabi at hindi na umabot na buhay sa ospital”. Paninisi ng kaniyang asawa.

Bigla, nanlumo siya at sumalampak na lang sa sofa.

***

Nabasa daw ito ng isang mukong sa bagong gawang email niya.

Ang Pebrero ay buwan ng ARTe, mga inARTe at kaARTehan.

Kaya, Happy Arts Month na lang!

Ang Destinasyon ay Sa Karatula Lang Ba?

Ito’y isang kuwentong tambay na naman at binigyanko lang ng kunting kulay at palamuti para naman mapansin (o ha!) kasi inaamag na itong karitonko.

***

“WHEW! Sobrang init pala ang Maynila”, sambitko sa aking sarili.

Alas dos na ng hapon nang ako’y makarating sa Cubao at bumungad sa akin ang nakakatuyo ng lalamunan na init. Palibhasa ako’y nakulong sa de aircon na bus sa pitong oras na biyahe, pumatak kaagad ang aking pawis at nararamdamko na ang mamamasa kong likod kung saan nandoon ang munting knapsackko. Mula kasi sa istasion ng bus, nilakadko na ang layo ng Ali Mall mula sa istasion ng bus upang sasakay sa dyip. Tipid at eherhisyo pa. Ngunit, ang totoo, di ko lang alam ang pasikot-sikot ng Cubao.

Palinga-linga sa kanan, sa kaliwa, tuloy pa rin ang lakad sabay sulyap sa munting papel na palara ng Marlboro. Nandon kasi ang address, e.

Sakto. May dumaan na dyip at ayon sa tagubilin, taglay niya ang mahiwagang lugal. Hindiko napara. Nakadaan na.

Hintay ulit. Sigurado kong may dadaanna. Pumara ako at sumalubong sa akin ang kantang ‘feels like heaven’.

Oopps! Uso pa ba ang new wave?

“Ganito rin kaya sa langit?” Tanongko sa aking sarili sabay upo. Lima lang kaming sakay.

May isang mama sa unahan. Halata sa kaniyang mukha ang pagkahapo. Parang blangko lang na nakatitig sa sahig ng dyip. Kupas na ang kaniyang maong na pansinko ring Levi’s. Ang di ko lang alam kung kumupas sa kaniya o kupas na ito noong napulot niya sa wagwagan na katulad din ng short pant kung biniliko lang ng 50 pisos. Halata na rin sa kaniyang rubber shoes ang ilang taon ng paghihimagsik¬† dahil gustong kumawala na rin ang hinlalaki sa kanang paa niya. Umaagos din ang nanlilimahid na pawis sa kaniyang pisngi at umaagos ito patungo sa kaniyang leeg. Walang imik, ginawa nitong panyo ang kanang manggas ng halatang di pa nakaranas ng Tide Powder na puting polo. Gumuhit sa manggas ang hirap na inanod ng pawis mula sa kaniyang pisngi. Hindi na rin niya ito pinansin ngunit kapansin-pansin sa ibang mapangusyusyong mga mata.

Sa harapko, may isang ale na pikit pa rin ang mata. Tulog ngunit nakakapit pa rin ang kanang kamay sa bakal na hawakan ngunit, pirmi ang hawak sa maliit na handbag. Sumasabay ang kaniyang katawan sa indayog ng dyip. At, tila nagpapatianod na lang sa lakaran ng rumaragasang buhay ng siyudad.

Sa tabi ng tulog na may edad sigurong 45 na ale. May dalawang babae na sa wari ko’y lampas ng 50 ang mga edad.

Iniaabotko ang aking bayad. Biente, kasi hindi ako sigurado kung magkano ang pamasahe. Nakakahiya kung sasablay pa ako. Mahalata tuloy na PROMDI ME. May ibinalik na sukli. Di ko na rin pinansin kung magkano pa ang natira sa biente.

Sa magkabilang gilid ng kalsada, sari-saring buhay at kabuhayan ang bumulagta sa aking mga mata. May mga nakasaradong puwesto ngunit marami namang nakakabit na ilaw ngunit wala ring sindi. May mga humahabol sa dyip na may dalang parang toolbox at rinarakatak. May mga mga patinga-tingala. May nakatayo lang ngunit karamihan, hangos sa paglalakad.

Andami kong napansin kasi trapik. Panay din ang punasko sa aking pawis sa pisngi. Ramdamko na kasi ang agos nito sa aking leeg. Buti na lang asul ang aking panyo. Malamang guguhit din ang gaputik ko nang pawis. Pinagpapawisan ako sa init, lalo na sa niyerbyos.

“Sobrang taas na ang mga bilihin…”

“Ku, may mura pa ba ngayon? Pati abuloy tumaas na rin. Ang nakakabuwisit e, andami pa lang nabulok na bigas. At ang pangit pa, kaya pala sobra ang presyo e, tumiba pala ang mga hinayupak na importers.”

Hindiko nga alam kung bakit narinigko ang kanilang usapan sa kabila na kasabay pa nila ang awiting tatsulok ni bamboo na kumukoro na sa stereo ng dyip.

Bigla may sumabit na lalaki sa istribo. Nanlilimahid din sa pawis. Halatang hindi na ata nadapuan ng tubig ang kaniyang buhok. Pumasok siya sa loob ngunit di umupo. Isa-isang pinagpupunas niya ang aming mga sapatos sa hawak niyang basahan na sa wari ko’y mas marumi pa kaysa sa sapatosko.

Balik ulit siya sa istribo sabay lagay ng isang lata sa gitna.

“Hindi naman po siguro abala sa inyo itong lata. Kunting tulong po para makakain.” Isa-isa niya kaming tinitigan.

“Mas maganda na po ito, kaysa sa magnakaw po, di ba? Barya lang po lang naman.”

Nandoon ang kaniyang nagsusumamong mga mata. Talo niya si Piolo Pascual kung magpa-cute.

Kinapako ang aking bulsa. Tumingin ako sa aking mga kasabay sa dyip. Walang kumibo!

Dahil bumunot na ako, pinanindiganko na! Lumagapak ang sampung piso sa lata.

Shit! Sampu pala ang aking barya. Nanghihinayang na lang ako na inulila ng sampung piso sabay tingin sa lalaking tumalong patalikod mula sa dyip. Kipkip ang lata ng aking sampung piso!

“Kay laking katawan, nanghihingi. Pwe!” Sambit ng isa sa mga babaeng nagrereklamo kanina sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Kibit balikat lang naman ang lalaking nakasuot ng Levi’s.

“Baka pansugal lang niya o pambili ng rugby…” Sambit ng babae na kanina lamang nagising dahil sa biglang pagpunas sa kaniyang sapatos ng lalaking namalimos. Ang masama, nakatingin siya sa akin. Parang kasalanan pa ang tumulong, bawal ba?

Sari-saring biyahe.

Sari-saring destinasyon.

Sari-saring pamamaraan.

May sumasakay kung sa anu-ano. May naglalakad. May tumatakbo. May natutulog. May mga walang paki.

Ngunit, iisa ang direksyon: itawid ang buhay sa isa na namang araw.

Pumara akong bigla. Ang destinasyonko ay wala pala sa karatula.



%d bloggers like this: