Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: non-fiction narrative

Sleep Walking 3

Ang karugtong ng Sleep Walking...1 at 2

****

<Magsiwalaan ang mga uma. Mga palayan ay mapapalitan ng mga bahay ng kumikintab na mga kotse. Mga talampas, mga lambak at mga burol ay gagawing lona na pleygrawnd ng pamamalo ng maliliit na puting bola. Papaluin ang bola, hahabulin din at ‘pag naabutan, papaluin ulit at isyot sa maliit na butas. At, eureka! Mahuhugot ang pinakaaasam na flag na tanda ng paghimlay ng bola sa mababaw na hukay.>

Segsegenmo na maigi, ‘at ng magkalasa din. Si Lakay.

‘la na’ng katas. Binuhusanko na ng mainit na tubig, kahapon pa! Si Baket.

<Kuwento na rin ang bagoong dahil magmahalan ang asin. May royalty na kasi ang processo ng pagsasana. Mahihiya na ang hintuturo na maitatarget sa asin. Pati ang ‘pagsegseg’ sa bagoong ay may patent na rin at pinatente ng magmamay-ari ng pinakbet.com.>

Habulinmo at matagal na tayong di nakatikim ng ganyan.

Ano pa’t puro na lang selopin ang mga nandito e. ‘ala na ‘pre. Sayang, extinct na ata ang mga talangka, e.

<Mabibili na rin kasi ang mga dalampasigan at tatayo doon ang mga maraming kubo. Matatakot na ang mga talangka sa mga milyong-milyong paa ng mga tao na nagtatampisaw sa brownish ng dagat.>

O, ito ang mga pictures. I-scanmo.

Pagalawinko. ‘lagyanko nga ng animations para maging parang totoo.

<Hanggang sa screen savers na lang ang mga bagoong, ang mga talangka at ang mga asul na tubig ng dalampasigan. Mapapasama na sila sa bilyong screen savers sa loob ng malaking kompyuter na may kontrol sa utak at damdamin ng tao. Ang pahinga lang ay ‘Stand by Mode’ at bawal na ang ‘Sleep Mode’ sa panahong ito.

Beep tit tit tit… at unti-unting mahihila ang malay.

<BABALA: Bawal managinip! Breaching the line of sleep mode…>

*****

Bigla! Mapapahid ang muta na namahay sa mata at magugusot ang mga pilik-mata. Kakawala ang nakakulong na hikab…

*****

<Halu-halo ang mga nakabarong mula sa naprocesong balat ng saging. Pati nga puno ng saging ay may patent rights na rin. May nagmamay-ari na!. Lakatan, mayron. Tundal, mayron. Dippig, mayron. Balayang, mayroon na rin. Pati na nga dahon ng saba, may tagna.>

Magkakasalungat naman ang data na mga ito. Nakakahilo. Sambit ng isa na nakabarong ng lakatan.

Huwag ka nang maingay dyan at may nakikinig. Bilin ni Boss, e di ‘yan. Sagot naman ng isang nakabarong ng tundal.

Hindi naman totoo ang mga ito, e! Sabad naman ng nakabarong ng dippig.

Tama o hindi, pare-pareho din yan. Di rin nila maiintindihan. Singhal naman ng isang nakabarong ng balayang.

<Abala ang mga nakabarong na sumusuma sa mga detalyeng nakapaloob sa pangakong tuwid na daan. Makailang beses na nilang inulit. Pauli-ulit na. Lilipad na ang mga kotse pero di pa rin nagkakatugma ang mga detalye at probabiliti ng pangako.>

Kotse! Sabi ng isa. Ang lumilipad.

Hindi  jiplin sabi naman ng isang nasa likuran.

<Mayroon pang gadget na panghuli ng kidlat. Lintek na ang magchacharge ng mga sasakyan….huuaaah!>

*****

Baliktad na ang panahon at nagpafastforward na…

Rewind….

*********************************

Nanginig ako at hinilako ang kumot. Naitalukbong sa uloko ngunit sumilip din ang mga paako na kaagad namang nilapa ng mga lamok na nahihilo na sa pagkagutom.

Anak ng Lintek! Bumubulong na ako habang ako’y pinandilatan ng larawan sa kuwadradong dingding. NakaLCD pa at bawat sagi ay nag-iiba ang pictures. Touch Screen. Syet! Biglang lumabo. Napapairap pa ako. Sepia na. Naaagnasna ang larawan sa dingding. Anim sila. Ang Tatay, ako. Ang Nanay. Ang panganay na si Iskwat. Si Eman. Si Anib. At, si Ania.

Namaluktot ako. At dalawang kamay kong pinisel ang aking sikmura. Humilam…at parang kumulog. Hay…

Tapos na siguro ang pangatlong tilaok ng mga manok. Magliliwanagna. Unti-unting kumakalma ang aking paghilik at namamalayanko na ang tunog. Umunat ang aking kamay mula sa sikmura at pinunasko ang tumutulo ko pang laway. Hinanap ng aking paa ang tsinelas at unti-unti itong tumunog patungong CR. Giya ang isang kamay bumulusok ang panghi sa panghing naiwan noong hating gabi. Natauhan na ang aking mga daliri at hinagap ang gripo. Tinungo ng tubig ang kanina’y namahayan ng panis na laway kong bunganga. Kumawala ang aking mga mata mula sa pagkabighani ng muta. Lumakas ang aking pang-amoy at umabot sa akin ang samyo ng nalalagang sinangag na bigas.

Wow! Blend Forty Rice!

‘la ng bigas. Ito na lang ang ating almusal. Ang asawako.

Napapiket ako.

Ang mga bata? Ako.

Mga tulog pa…

Nananaginip din sila. At liningonko ang mga bata at sana masasarap na pagkain ang panginip nila.

Alam kong marami akong panaginip ngunit naeris na lahat. At ngayon, hihipanko ang kape mula sa sinangag na bigas at ang gabatong kaning-lamig mula sa NFA na papalambutin naman ng mainit na kapeng blend forty rice. Masaya pa din ako na maghihintay sa aliw na dulot ng aking pagtotbras at pagligo sa apat na tabong tubig.

Ngayong umuga, ang umaga pagkatapos ng isa na namang kahapon, iiponinko lahat na mga papel, dyaryo, bote, plastik at bakal sa kalsada na tulad din ng pag-iponko sa mga naglaho na ring pangarap, ang aking mga panaginip. Oo, doon sa puwestoko na kung saan nandoon ang lahat na kayamanan: Ang Commonwealth Avenue. Ang daan na kung saan nandoon ang kayaman ng lahat. Ang komonal na kayamanan!

Pagtitiyagahanko ang mga basura. Aabot na ring 18.25 ang naipon kong tig25 sentabo.

Para sa isang kilong bigas.

Mamayang gabi, oo, mamayang gabi, ako’y pipikit na naman at magpafastfoward…..

<NATAPOS DIN>…hay!

***

Pahabol:

Ang Kuwentong Basurero na ito ay orihinal na nalathala sa isang karitonko sa internet at may pamagat na TARIMBANGON, sa Tagalog ay ALIMPUNGAT. Lahat na pangyayari ay sadyang kathang isip lamang at kung may kahawig sa totoong buhay o sa mga nalathala na ay hindi sinasadya.

Ang tanging layuninko lang ay ang pageksperimento sa ‘mimises’ ni Arestoteles at pilit na isalin sa isang katha ang mga pangyayari sa loob ng isang panaginip. Hindi ko rin alam kung saan ito mapapaloob sa larangan ng pagkuwento.

Sleep Walking 2

Ang karugtong ng Sleep Walking…

*****

<Nakasalampak ang mga batang pumaikot sa kaldero, ang kalderong nagmistulang panginoon sa altar na dulang. Gasapin na lang ang naiwang kanin na nagmamakaawang dumikit sa kaldero pagkatapos nang tig-iisang pagsandok. Pandan lang ang ulilang halo sa matubig na lugaw, ang magic para maging katakam-takam ang maghapong katas ng pagpila sa 18.25 na puro tigbibiyente singko na kulikak.>

Ako ang mauna. Ang panganay sa mga bata.

Tatlong kutsara na ang naisubomo. Wala na sa akin… Ang pangalawa sa mga bata.

Tatlo rin sa akin, gutom ako! Singhal ng pangatlo sa mga bata.

Eiieeeee! ‘la ng para sa akin. Bulahaw ng bunso sa mga bata.

Didilaanko na! Sabi ng pangatlo.

Tigtatatlo pa kasi kayo, e. Sabi ng pangalawa.

‘la. Tingala’t ibubuhosko sa ngalangalamo. Sabi ng panganay.

<Pinagdiskitahan na lang ang ama ang pahitit at pagbuga sa kanina’y usok na nilalaro ng kaniyang dila at parang sumama ang buntunhininga sa palangit na usok. Pinagkakasya ang damdamin na sa usok madiin ang malay na para bang maitatago nito ang piping paghikbi niya dahil wala na siyang tapang na lingunin ang nangangayayat nang mga bata. Patago nitong pinanood kung ano at paanong sinisipsip ng mga bata ang kanina’y sahog na dahon ng pandan.>

‘sa! ‘puntaka pang umagaw e, kulang na nga!. At napahiya ang pusang kumaripas na lumayo sa dulang (1).

<Hindi kasi maaako ng isip ang layo ng mga pangarap sa kasalukuyang pangyayari. Sumasama na lang ang pag-asa sa pumapailanlang usok sa kawalan na para bang makasungkit ito ng mga sagot sa noo’y pinalipad na pagsusumamo. Ang binilot na pinapausok ay mga pangyayaring ibinuod sa pahina ng dyaryo, ang pahinang noo’y naglathala sa mga pangako ng kariwasaan sa dulo ng tuwid na daan. Ang kariwasaan na lumubog din tulad ng bangkang papel sa gitna ng mga basurang talumpati sa ilog ng Pasig.

Ang ina nama’y kumukuha ng lakas sa paggaya kay Ninoy, dalawang palad na ang sumasapo sa noo at pasulyap-sulyap ito sa mga pailing-iling na mga bata na ngayo’y tapos nang minasaker ang dahon ng pandan. Na tila’y ang pagsapo sa ulo ay nakakagamot ng hilo, ang pagkahilo mula sa pagbibilang ng mga daliri kung sinu-sino pa ang pwedeng daingan ng isang dangkot na kanin.>

‘la ng pwedeng lapitan kahit para sa isang dakot lang… at parang nawalan ng ulirat ang ina na kanina’y sapo ang ulo na ngayo’y dumikit na sa kanyang tuhod.

*****

Mahuhulog ang unan at masusuntok ito mula sa walang malay na pagngingitngit. Masasampal ang braso na nangangati na kanina’y panagpasasahan ng gutom ding lamok. Mamamaluktot na naman ang katawan at dadami ang mga bulong sa dibisyon kaysa sa paghilik.

*****

<Kahit na rin siguro ang mga lamok nauulser na rin dahil nawawala na ang mga pulang dugo ng mga tao. Desaparisedo na ang pulang dugo. Namumutla na ang mga kayumanggi. Wala nang talbos ng ampalaya na magugulay, pati kangkong, wala na rin.>

Huh! Paano kasing di kukulangin ang bigas e, tinatabunan na lahat na palayan. Ang nauna sa pila.

Pati ang mga bangin, sabi mo pa, binubuldoser na rin. Siya pa sanang pagkunan ng mga netib na aba.  Ang pangalawa sa pila.

Madalang na rin ang makukuhang suso sa ilog. Buwisit! Bulong din ang sumusunod sa pila.

Kukunin na yata ninyong lahat. Mag-iwan din kayo, a! Sigaw ng isa sa dulo ng linya.

Kua, nagmermerienda lang muna ang mga tagabigay.  Diin ng isa sa mga nasa harap na ng lamisa.

Mga wala kasi kayong tiyaga. Sambit ng nagpapapila. Bumagsak ang bote ng coke. <Tog>

Aanak-anak kayo ng di n’yo mapakain! Singhal din ng tagasupot.

Patay na ata! May namatayna! Sigaw ng isa sa gitna. May bumulagta sa harapan niya.

Nawalan ng malay dahil sa gutom, yan!  Ang kuro ng mga nasa linya ngunit walang gumalaw at umalis man lang sa linya.

Naiwang nakabulagta rin doon ang matandang nawalan ng malay.

At tuloy ang mabagal na usad ng pila…

Itutuloy bukas… <mahaba na e..>

%d bloggers like this: