Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: OFW

Pot of Gold

I’ve been searching for a pot of gold like the kind you find at the end of the rainbow…

Fleetwood Mac, As Long as You Follow

Nakakalungkot isipin na araw-araw maraming mga kababayan, kaibigan at kamag-anak na nangingibang bansa dahil sa ‘paghahanap ng isang luntiang pastolan’, o di kaya’y ang makasaysayang ‘pot of gold’ sa dulo ng bahaghari.

Natanongko tuloy at idinikitko pa sa facebook kung ‘lahat ba ng dulo ng bahaghari ay nasa ibang bansa?

Marahil nga, nasa ibang bansa ang banga ng kaginhawaan… at unti-unting ipinapadala sa atin dito sa ‘pinas ng ating mga mahal na kamag-anak, kaibigan, kababayan habang sinisikil nila ang paghulagpos ng pangungulila sa kinagisnang samyo at gayak kung ganyang tinitingala nila noon ang nakakabighaning bahaghari.

Marahil, kalakip nito ang mga tuyong luha, mga piping hikbi at ang isang dipang pagsusumamo na sana ang gintong nakalkal sa disyerto, sa nyebe, sa indayog ng barko, sa mga kisameng nilinis ng agiw, o mula sa mga takatak ng keyboard o pagpindot ng mouse, ay makagagawa ng mga bahaghari na ang dulo nito’y nakatusok sa bayan kong Pilipinas. Na sana sa tuwing pagsapit ng kulimlim at pagpatak ng mga ambon sa buhay, na sana tuwing lalabas ang matalinhagang bahaghari, masasabi na nating: dito ang dulo ng bahaghari at dito sa lupang ito nakabaon ang banga ng kaginhawaan.

Kailan kayo ito mangyayari?

Kailan hihinto ang pag-ikot ng baggage counter sa airport?

Kailan kaya mawawala ang mga musmos na kumakaway ng paalam sa ina o tatay habang nilalamon ito ng aircon sa airport at nag-iiwan ng malungkot ngunit puno ng pag-asang flying kiss?

Pero sabi nga nila:

I want to live, I want to give, I crossed the ocean…, so I keep on searching for a heart (maybe pot) of gold…

Neil Young, Heart of Gold

Sa oras na ito, marami na naman ang mag-fa-fasten your seatbelt, we are approaching…_____________airport in a few minutes…

At sa paglapag ng eroplano, isang nag-aatubiling hakbang ang siyang simula ng bagong paglalakbay patungo sa banga ng kaginhawaan na minsan tiningala at pinangarap na matagpuan sa dulo ng bahaghari.

Sa basura na lang ba ako mangangarap ng isang banga na punumpuno ng ginto?

Advertisements

Sana, Kung Alam N’yo Lang…

Emo lang ako ngayon…bagyo kasi kaya hayun, nagkalat ang mga basura…at napa-putris! ako sa poste ni Ka Duking na Ang Balabal…(di yan mapindut, he he he)

***

Dumadabog si Lanie (ang sumunod sa akin, ako kasi ang panganay sa limang magkakapatid) at bumubulong na pumasok  sa kaniyang silid. Lumagapak ang pintuan!

Biglang nagbuhat ng puwet ang aking ama. Buwisit siya. Natatalo kasi ang Barangay Ginebra sa pinapanood niyang PBA Game. Sinundan ang aking kapatid. Kinatok ang kuwarto. Ayaw magbukas si Lanie.

Ikaw! Bastos ka na a! Bulyaw ng aking ama.

Napalakiko na kayo. Nagkaroon na kayo ng propesyon…wala na kayong paggalang!

Sumbat na naman ng aking ama.

Pabayaanmo na, ling… Pagsusumamo naman ni inang.

Walang silbi ang mga binigay kong rangya… at lumugmok si amang sa kaniyang raking tser.

Gagradyuwet pa lang ako sa grade six noong mangibang bansa si ama. Grade 3 pa lang din si Lanie. Si Jojo, grade 1. Ang isa di pa marunong sumulat. Ang bunso namin noon ay kapapanganak lang. Apat na buwan pa lang.

Ngayon, nakapagtapos na kaming lahat!

May apat na taon pang hindi noon bumakasyon ang aking ama.

Oo. Hindi na kami kilala ng aking ama. Parang estranghero na rin siya sa buhay namin.

Buti ngayon may selpon at text na. May pisbuk na. May skype na. May twitter na. Noon, sulat lang. At, isang buwan mo pa hintayin. Kung nais naming marinig noon ang missed namin na boses ni ama, voice tape pa ang gamit.

Kumukulubot na ang kaniyang pisngi.

Noon, kaya pa kaming kanlungin. Namiss namin ang lakas ng kaniyang braso. Ang kaniyang halakhak. Ang kaniyang palo. Ang kaniyang pangaral.

Na ginampanan naman ni inang ngunit iba pa rin ang ama sa buhay at bahay sana namin.

Oo. May pera kami papuntang iskul.

Oo. May bagong relos tuwing pasukan.

Oo may blow out tuwing kami’y magtatapos.

Pero…

‘ala si ama sa piling namin kapag parents day.

Wala si ama tuwing foundation day ng school kung saan kami’y sumasayaw ng tinikling.

Wala si ama noong unang nanalo ako sa taekwondo.

Wala si ama noong dumugo ang ilongko at nagkablack eye ako.

Wala si ama noong matutong magsalita si bunso.

Wala si ama noong nag escape si Jojo sa school.

Wala si ama noong kami’y nasabitan ng ribbon at tumanggap ng mga awards sa school. Si inang lang ang nandon!

Kasi, si ama ay nasa ibang bansa upang mabigyan kami ng sapat na pagkain at lalo na, upang makapag-aral kami dahil ang sabi: Eto lang ang kaya naming ipamana sa inyo!

At ngayon, di na kami kilala ng tatayko. Di rin namin siya kilala, sa palagayko.

Noong unang bakasyon nga nya…

Nay, sino ba itong bisita natin? Ang takaw! ‘yan noon ang bulalas ng aming bunso.

At…

Nang ako’y magpaalam din na papuntang Korea. Dala-dalako na noon ang passportko. Pati ang job order. ‘tay punta rin ako sa abroad.

Tumingin siya sa akin. Malamlam ang mata. Nangingilid ang luha sabay yakap sa akin.

Anak…huwag na… kung alam mo lang sana ang nawalang oras sa buhayko. Kung sana, alam n’yo lang…

na noo’y gusto ko kayong buhatin at isayaw sa tuwa bawat pag-apak n’yo sa stage.

Kung sana, nandito ako noong nagsuot kayo ng toga…

Kung sana, nandito ako noon at sinamahanko kayo sa mga outings…

Kung sana… di na lang ako nag-abroad…

Kung nandito sana ako…may picture din sana ako na kasamako kayo sa stage…

Anak, walang kapalit ang makita mo ang paglaki ng inyong mga anak.

At kinuha niya ang aking passport…

Ngayon, si ama ay nakatingin na lang sa amin…

Malalaki na kami.

May sarili na kaming kama at silid. Di na niya kami maakap kung kami’y matutulog. Ayaw na naming tumabi sa kaniya.

 

***

Ang kathang ito ay pagpupugayko rin sa mga kababayang OFW na handang tiisin na ‘di makita ang paglaki ng mga anak. Na kung minsan, ‘di na makikilala ng sariling mga anak. Na sa tuwing pag-aayos sa kanilang passport at visa, e, lumilinga-linga at tinatanaw at pilit isinisiksik sa isip ang mga inosenteng mukha ng mga anak at sa kalaunan, pag nag ‘for good’ na ay hindi na niya makakatabi sa pagtulog.

MABUHAY KAYO!

***

Suportahan pala ninyo ang mga kasama nating bloggers sa PEBA.

Goodluck sa Kayumangging Damdamin at Mizpah.

%d bloggers like this: