Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: rebolusyon

Nang Nagrebolusyon ang Isang Magbabalut…

Balut egg

Image via Wikipedia

MALAPIT nang magtago ang araw sa likod ng di-kalakihang bilding malapit sa pinagkukunan ni Enteng ng mga panindang balut. Kinalas niya ang dalawang butones ng kaniyang polo. Bakit pa kasi pinagpolo pa siya ng misis niya, e, kukuha lang naman siya ng balut sa ikatlong kanto malapit sa gate ng Aguinaldo sa Libis. Umaalingasaw ang init na tila nanggagaling sa mga bitak ng manipis na semento sa harapan ng mga salansan ng itlog. Pangsampu pa si Enteng sa pila ng mga aangkat.

“Parang dumami ‘ata kami ngayon, a.” Sambit niya sa sarili na ang tinutukoy ay ang mga aangkat ng balut. Pilit pinapakinggan ni Enteng ang balita sa radyo habang nakatayo siya sa pila ng aangkat.

“Nananawagan po kami sa mga Pilipinong nagmamahal ng bayan, kailangan namin kayo sa labas ng Crame…” bulahaw ng radyo ngunit hindi ito pinansin ni Aling Dionisia dahil abala siya sa paglista ng mga inaangkat na balut. Masayang-masaya siya dahil kahapon pa siya nakakarami ng tinda. Tila kasi dumadami daw ang mga tao sa EDSA at sa kahabaan ng Libis. Itinaas na nga niya ang presyo ngunit dumadami pa rin ang aangkat. Buti na lang umabot pa dito ang deliber mula sa Bulacan. Kaya, abot-tenga ang ngiti niya.

“Sige, magrali kayo at yayaman ako…” Sagot ni Aling Dionisia sa panawagan ng nasa radyo.

“Tama ka dyan, Aling Dionisia!” Sabay-sabay na turan ng mga nakapilang magbabalut.

“Aling Dionisia, babalik ako kaagad kung mabentako itong 200 ko!” Sigaw ng isang paalis ng magbabalut. Apurado siya sa pag-uwi dahil lulutuin pa niya ang balut. Tamang-tama sa oras ng takipsilim.

PAPITO-PITO si Enteng habang naglalakad, naghahanap ng maupuan dahil napakaraming tao sa daan. Nakarami na siya, pangalawang basket na niya ito.  Makakaraos na rin ang pamilya niya sa loob ng isang linggo.

Hindi matanto ni Enteng kung bakit nagdadagsaan ang mga tao e, gigiyerahin na daw ni Pangulong Marcos ang mga nag-aalburotong PC sa loob ng Crame. Parang nagpipiknik pa lang ang karamihan, sumasabay sa agos ikanga. Naglabasan kasi lahat ng mga tao sa mga village sa palibot ng mga kampo, kaya nakisabay na rin ang mga iba. Tapos, walang pakundangan ang pagparking ng mga mayayaman at mayayabang ng kanilang sasaksayan sa gitna ng daan. Palibhasa, abala ang mga PC sa loob ng Crame at karamihan naman sa mga sasaksayan ay mga alipores ng mga nasa kampo, walang sumita sa mga nakaparking na sasakyan. Naabala tuloy ang mga nagdaraan. Kaya, hayun, parang dumami ang tao sa daan.

Umupo si Enteng sa tabi,  sa di kalayuan ng mga kumpul-kumpol ng mga tao. Nagsimula ng kumanta si Freddie Aguilar sa ibabaw ng isang trak. At, naghihiyawan ang mga tao. Parang may konsert, sambit ng isang dumaan sa harap niya.

Bigla! Umungol ang kapaligiran at nagtakbuhan ang mga maraming tao. May mga ilang nagkabit-bisig at dahil sa bilis ng pangyayari, napasama si Enteng sa alon ng mga nanggagalaiting mga madre at pari at mga estuyante na sumalubong sa mga tangkeng panggiyera.

Pilit kumawala si Enteng sa kadena ng mga tao pero lalong naiipit lang siya. Ayaw niya kasing bitiwan ang basket ng balut. Malulugi siya kung magkataon.

Huminto ang mga tangke at nag-alay ang mga madre ng mga bulaklak at nagsimulang nagdasal. Napagkadisketahan ang basket ni Enteng at isa-isang iniaabot ang paninda niyang balut sa mga kawal na nakapulbatel ger. Pumalag si Enteng ngunit nanlumo na lang siya ng walang pumapansin sa kaniyang suliranin.

***

NGAYON, dalawampu’t limang taon na ang nakalipas. Si Tatang Enteng ay magbabalut pa rin at siya ang umaangkat sa mga malilinis na diyaryong napupulotko.

“Nasa frontpage din ako noon sa diyaryo– ang taong nakabitibit ng basket ng balut sa tabi ng isang tangke. Ito.” At ipinakita niya sa akin ang pinakatagu-tago niyang alaala ng siya ay nakipagrebulosyon.

Bigla, pinagtutupi niya ang lumang diyaryo at linagyan ng asin sabay bigay sa akin.

“Tulad ng asin na maalat pa rin, wala ring nabago sa aking buhay, maliban sa mas mahal na ngayon ang asin at balut…” buntunghininga niyang pabaon sa akin habang ako naman ay nagpatuloy sa aking pagtulak sa munti kong kariton.

Advertisements

Rebolusion, Sige Lang!

Teka, ayaw kong matawag na el felibustero.

Sige, RebolusyonAng rebolusion dito ay ang pambihirang pagpihit ng selinyador ng mga motor o tricy, o ang mabigat na pag-apak sa selinyador ng walang pakialam na drayber ng trak o jeep.

Wala na akong pakialam sa maingay at mausok na barko. Hindi ako namumulot ng basura sa gitna ng dagat!

Iwanan muna natin ang usaping tambay.

Isang araw kasi habang ako’y masayang nagtutulak ng kariton at palinga-linga sa mga nagkumpol na basura na nagkalat sa daan, may humarurot na motorsiklo at kung hindi ako nakailag, baka basura na rin akong nilalamayan ngayon. At…hinihintay na ng mga langgam sa nitso.

Hay, salamat naman. Buhay pa ako at nagblablag.

Hindi lang ‘yan ang napunako. Marami ngayon ang maiingay na motor na sadya namang ginawang tahimik sana. Ano ba ang meron sa malakas na tunog ng motor? Para pansinin?

Hoy, papansin! Ayan, pinansin na kita.

Kahit anong gawinmo, 110cc, 125cc, 150cc lang ang mga iyan. Kung gusto mo ng maingay na motor, bili ka ng Ferrari o Ducati na 1000cc. Matutuwa pa ako.

Pangalawa na napunako. Sa mga mahilig mambomba ng selinyador ng trak o jeep, bawasan nyo naman ng usok ang mga sasakyan n’yo. Napapaubo ako sa hayup na usok na ‘yan. Kasabay pa mandin ang paghihititko ng sigarilyo. (ubo).

Rebolusion, Sige lang.

Kadalasan sa mga aksidente ngayon ay mga motorsiklo. Kayo rin.

Magtambay na lang kaya kayo at maiwasan pa ang polusyon, ingay man yan o hangin.

Kung sabagay, malaki rin kasi ang kita ko sa mga tsinaptsap na motor. Mga galing sa banggahan.

Sige, rebolusyon lang. Sa junk shop din ang punta ng mga ‘yan.

P.S., Plis Segregeyt.

Dagdag Gawain:

1. Sa palagaymo, bakit gustong-gusto ng mga iba ng maingay na motor o sasakyan?

2. Gawing habit ang maglakad papuntang opisina at kung sitahinka ng bossmo ba’t ka leyt, sabihinmo: Concern lang kasi ako sa kapaligiran.

3. Kung ayaw mong maglakad, sign up ka na lang sa blogko at samahan mo akong magtulak ng kariton.

%d bloggers like this: