Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: sapatos

Alimpuyo: Ang Larawan

Huling parte ng Kuwentong Basurero: Alimpuyo..1, 2, 3, 4

****

Wala talaga, Pads. ‘di sila makaparito. Pirmi ang sona sa baba. Nahihirapan daw silang pumuslit.

Naglalaro pa rin ito sa isipko. Tatlong linggo na rin ang lumipas mula nang ako’y matiyagang nagmasid at naghintay na may ibubulwak ang mga damong nakalambong sa tagong liwasan patungo sa aming kampo.

Mainit na rin talaga sa baba ayon sa aming pasabilis na nagtitinda ng taho. Minsan na daw siyang nasita at binagansiya. Yung isa nga na aktibo sa kilusan, kinasuhan ng pagbibinta ng shabu noong dinampot siyang nagtitinda ng boneless bangus.

Mainit na sa bayan at kailangan na kaming umasa sa mga kasamang magsasaka para sa abasto namin. Panay na rin ang ronda ng mga patrol at minsan nga may ginawang pagpupulong sa eskuwelahan sa baryo namin at pinapirma lahat ng attendance ang mga dumalo. Binigyan pa sila ng mga card.

Kinabukasan, lumantad sa lokal na dyaryo na may mga 300 na rebel returnees sa baryo namin. Lintek!

Nagimbal ako sa yugyog ng aking balikat. Mabilis na gumagapang ang isa sa aking mga kasama. Panay ang senyas at tila atubili.

Swissssss!

Parang lamok na dumadaan malapit sa aking taynga ang bala. Humagitgit ito sa mga dahon sa aking likuran. Tumapyas sa isang sanga. Sunudsunod na ang mga humahagibis na bala. Parang kumukulong kanin ang tampisaw ng mga bala sa lupa. Tumatalsik ang mga batong mataan. Napayuko ako at sapat lang na hindi ako natamaan ng mga rumaragsang bala ng M60.

Bra tat ta ta tat! Ping! Tsing!

Patawarinmo po kami, Apo. Ama, gabayanmo po kami. Sunudsunod na ang pagsamoko sa mga anito ng kabundukan.

Luminglinga ako at nagtilamsikan na ang mga ga-hinliliit na mga tuyong tangkay na bigla kong nadapaan. Parang naghahanap na ako ng mga anitong kukubkob sa akin. Nakita kong parang lahat ay nakadikit na ang mukha sa lupa. Wala ng gumagalaw sa aming lahat. Iba-iba ang iginuguhit ang mga mukhang malapit lang sa aking foxhole.

Pads, ano na?! Liningonko ang palapit na kasama. Magdidilim na.

Wala pang putok na galing sa aming grupo. Hinihintay ang hudyatko. Alam din nila na talo kami kung sasabay sa putokan. Kulang kami sa bala. Malamang pati rin sa bilang.

Mauna na kayo sa likod. Sabihinmo, magpaiwan ang lima na kasamako. Mag-iwankayo ng mga bala. Nagmamadali kong utos.

Kunin n’yo lahat ang puwedeng mabuhat na documento. Bilisan nyo! Idinagdagko pa.

Ano?! Aatras tayo?

‘di naman siguro karuwagan ang aatras, di ba? May mga panahon pa para magamitmo ang tapangmo! Hala, batsi na!

Pads…

Ba’t kaya wala man lang pasabi ang mga pasabilis? Tanongko sa aking sarili. Malapit na sila… At napakagat na lang ako sa aking labi.

Kinapako ang gatilyo ng M-14. Mainit.

Nakalayo na sana kayo… Naimtim akong bumulong sa hangin.

Tumahimik na ang mga putok na galing sa mga nagsosona. At, naging kalbaryo ang mga ilang sandaling lumipas.

Itinuroko ang aking mata at ipinakitako ang aking kamay sa mga nakatingin pa rin sa akin na mga kasama. Iningusoko ang harapan. May nasilip kasi akong mga limang kalaban na maingat ding gumagapang sa damuhan. Hudyat na rin ito na maari na rin kaming magpaputok.

Unti-unti tayong aatras! Ibinilinko pa ngunit parang ako na lang ang nakarinig. Impyerno na ang takipsilim. Gumuguhit ng dugo ang mga ulap.

Nagwawala na rin ang gatilyo ng M14 ko:

Ba’t ka pa lumabas? Ba’t mo pa iniwan ang sotana kung ipagpapalitmo lang din kami sa bandoler? Si Imnas. Hinahaplos niya ang ulo ng magtatatlong taon na ding si Iskuat.

Si Iskuat. Iskuat ang pangalan ng aking anak na ang unang mundo ay iskuwater. Emmanuel ang tunay niyang pangalan. Isinunodko kay EMan, ang ama ng hulagpos.

Di ako sumagot. Ginuloko lang ang buhok ni Iskuat na kanina’y inaayos lang ni Imnas.

Lalaki ba ang anak mong wala ka sa piling namin? Na sa bawat gabi ay hindi namin alam kong makikita ka naming muli? Kailan kami maghihintay sa muli mong pagbalik? Si Imnas na naman.

May hangganan din ang bawat paghihintay,  Imnas…

Tang, tang. Bigyanmo rin ako ng baril, a. Para lang nagpapabili ng laruan ang aking anak.

Hindimo na kailangan ng baril, barok…

Pads! Pads… Lumagapak ang palad sa aking pisngi. Wala ng putok.

May tamaka, Pads. Iniutos ni Eman na iatras ka namin. Nasa tapat na tayo ng sitio ninyo. Babaka muna sa bahay ninyo…

Si Eman? Pinaatrasko na sina Eman!

Binalikan tayo, Pads. Wala ng putok. Mahigit isang oras na na tumila ang mga putok. Nawalan po kayo ng malay kanina.

Liningonko lang ang kasama. Babalikanko si Eman…

Eman….

******

Tino! Tinoo!! Ano na Tino!!

Yakap ni Imnas ang aking ulo. Pilit niyang ibinangon ang uloko na kanina’y nakapatong sa lamiseta. Nagkulay dugo na ang mga nagkalat na mga papel ng mga sinulatko. Nakalaylay ang aking mga braso ngunit tikom pa rin ang kanan kong kamao. Hawak ang kaliwa kong kamay ang larawan ni Imnas. Ito ang larawan na matagal na ring nakaipit sa isang folder, ang pinaghugutan ko rin noon ng apoy ng paghuhulagpos.

At ang larawan naming tatlo: Ako, si Imnas at si Eman.

Parang naalmirol na rin ang pantalonko sa naninigas ng dugo. Dumaloy ang dugo sa sapatosko at natuyo na sa sahig na tabla.

Patawad Tino… nahuli kami ng anak mo noong patungo kami sa kampo. Ayaw kong mawalaka sa amin Kumander Pads…

Hinablot ni Iskuat ang mga larawan sa aking kamay.

Mataas na ang araw.

Tang! Tatang….

<NATAPOS DIN>

Pahabol (at paumanhin na din):

Ito ay buod ng ilang parte (buod pa lang ‘yan, hay naku)  ng balak ko noon na gawing maikling nobela na umiikot sa buhay ng apat na bata na sina Inot, Eman, Imnas at Anib. Ang kuwento ng batang si Pads (Inot o Tino) ay ang sapatos kung saan ang setting ng Sapatos ay nasa interrogation room he he he…(di pansin ano?) Hindi ko nga alam kung patayinko na dito (sa katatapos na kuwento) si Inot, e, pero paano pa mapunta ito sa interrogation room, hay.

Ang mga kuwentoko ay nagawang magulo ang plot dahil kung minsan ‘la naman talagang plot ang buhay.

Si Anib ay aabangan niyo nalang sa krismas, pang krismas kasi ang kuwentong panimula niya he he he.

Sana kapag hindi ako tamaan ng sakit na katamaran, ihahainko na rin ang panimulang kuwento ni Eman.

Si Imnas, ala pa talaga akong nasimulan. Kayo? Maari n’yo namang gawin e he he he.

Ang istayl sana ng presentasyon ng mga kuwento ay parang mexican-telenovela. ‘yon bang sa iisang sandali ay sabay-sabay na may nangyayari at salit-salitang ilalabas at biglang may lalabas na patalastas tulad din sa TV he he he…

At tulad din sa kariton kong basurero, walang ayos ang mga basurang maitambak, bote, bakal, dyaryo…halu-halo.

Salamat po sa inyong lahat.

Ka Loren 😀

Advertisements

Sapatos

Kuwentong Basurero na naman tayo…

Reblog po ito mula sa isang karitonko pero bago rin po ito dahil susubukan ng powersko na isalinko ang poste mula sa orihinal na lenggwahe. Gawa ito sa Iluko/Ilocano/Ilokano na ipinagmamalaki kong salita. (Hayan, kuripot po ako at may maitim na siko)

Sa mga nakabasana, basahin nyo pa rin kasi sabi nga ni Gadamer, in translation we lost some meaning, 😀 (peace) sa mga pilosopo dyan. Nadawit lang naman po ito sa ilang blog na.

***

Isa lang ang gustoko. Ito ang gustoko. Simple. Ordinaryo lang sa mga iba. Pero, espesial sa akin. Sapatos. Isang pares ng sapatos. Yung tama lang, yung kasya lang sa paako. Yung hindi mana. Hindi ukay-ukay. Bago. Yung isang padaan lang sa basahan ay kikislapna.

Ito lang ang pangarapko.

******

Pumipito ako. Pasuray-suraypa akong naglalakad na parang sumasayaw sa hangin. Magaan. Oo, magaan ang pakiramdam. Nakikipaghabulan ako sa tutubi sa wariko sa laki ng aking paghakbang. Ang hahaba ng pagwasiwas ng aking braso. Para bang ginagayako ang nabasako sa libro na sayaw. Tinikling ata ‘yon? Yung hindi pabalikbalik na hinuhuli ng mag-asawang kawayan ang natatarantang paa. Patakbo. Tinatakbuhanko ang nanghuhuling kawayan. Diretso. Mabilis. Humahagibis, kung nagyayabang sana ako.

Kapagdaka’y ngumingiti ako hanggang taynga at sinundan pa ito ng sintunadong buntunhininga. Pumipito ako ulit <baka sabihin ninyo na mahirap pumitong nakangiti pero pwede>. Masayang-masaya. Ngumingisi ng kunti na parang mata lang ng tsaynis ang buka ng aking bibig. Napapalingon at napapailing na lang sa mga hiyaw ng mga kapwa ko bata na para naman sila ang barker sa paradahan o mga nagmamagic na kasama ang ahas sa tiyendahan o kaya mga tindero/tindera na nabilasahanna ng panindang isda. A, basta, nawili ako sa ingay sa likuranko. Di ko man lang napansin na naiwanko na sila.

Mabilis ang patakbong lakadko at di ko na alintana ang sampal ng init sa aking pisngi mula sa nag-aapurang araw. Gadangkal pa ang layo nito sa tuktok ng mga niyog. Sanay na ako sa powers ng Haring-Araw. Wa epek na ito sa balat kong ipinaglihi sa kulay ng tamaraw.

Sinipatko ang araw at nakipagtitigan sandali sa mga ulap. May mga aninong sumunggab sa akin at itinago ang itim na ulap sa malayo. Ngunit, napansinko pa rin ang mabilis na takbo ng ulap. Dinangkalko ang layo ng araw sa mga tuktok ng niyog. Malayo pa. Alas kuatro y media pa lang. Dinadangkal lang ang oras sa amin. <Di tulad sa iba na ikinukulong sa bilugan o kuadradong hugis at ikinakabit sa dingding.  Mga iba naman, ipinoposas sa braso tapos magreklamong nakakulong sila sa mabilis na ikot ng mundo.>Ngumiti ako dahil mahaba pa ang liwanag para maiuwiko ang mga kambing at baka na alagako. <ngiti>

Magsasalok pa ako ng tubig. Bumubulong ako. Mas malakas pa ang bulong ng utakko kaysa sa mga tsismis ng mga hay iskul na nalampasanko.

Sige, lakad-sayaw ulit.

Mag-isa lang akong anak. Kasya sa amin ang mga simpleng bagay. Masaya kami ng aking mga magulang. Pag-uuma at paggawa ng uling ang pinagkukunan namin ng pantawid-gutom sa araw-araw. Hindi kami mapaghanap ng kung ano. Kung ano ang meron, okey na kami. Ilang talbos ng kamote at sawsawang baggoong, kasya na. Dinadaan na lang namin sa kuwentohan ang kasalatan namin. Family bonding sa amin ang sabay-sabay na pagtanggap ng biyaya ng hapag-kainan.

Taga awaykami…
Managuging kami…
Naragsak ti biagmi…
Awan dukdukotmi…
Numanpay adu’t manglalais kadakami…
Ta napanglawkam nga umili…

Taga awaykami…
Managmula kami…
Naragsak ti biagmi…
Awan dukdukotmi…
Numanpay adu’t manglalais kadakami…
Ta napanglawkam nga umili…

Napigeket a daga…
Dalusanmi nga umuna…
Danggayan ti kankanta…
Takiagmi a napigsa…
Nuang, arado ken sagad…
Ti armasmi nga agbiag…

Numanpay adu’t manglalais kadakami…
Ta napanglawkam nga umili…

<Ilokano yan, i-gogol niyo na lang ang salin, kanta e>

Alle, lakad.

Di ko na inaalintana ang manipis na conveyor na siyang sapin ng paako. Tinabas ito noon ng Tatay mula sa conveyor na nahingi niya sa kumpadre niya na nagtratrabaho sa minahan. Ito ata yung pinaglalagyan ng mga lupa na may halong pyrite na nakakalkal sa tanel. Ang pyrite ay isang batong makintab at kumikislap. Ang conveyor ay parang pulya o kadena ng bisekleta na umiikot. Ipapatong dito ang dram na may laman na naghalong lupa at bato. Iikot ang conveyor hanggang sa labas ng tanel. Isasalin ang laman ng dram sa naghihintay na loader o damtrak. Ito ang sabi ng Tatay. Itinakas lang ito ng mga minero mula sa minahan. Naging tsinelas. Yan ang gamitko ngayon.

Hindi oobra ang matutulis na tinik sa play niya. Kahit pa sa ‘kabugaan’ di ako mangiming maglakad. Tinabas ang conveyorko sa hugis ng beachwalk saka ginawan ng dahon mula sa pinutol kong tali ng aking kambing. Madulas nga lang sa putikan. Pero, di bale na. Matagal nang di umuulan. Kuaresma na. Isang taon na rin na ito ang aking tsinelas. Pangatlo na rin ito na conveyorko. Ito na ang matagal ko ng sapatos.

Parang may humihiyaw na ahas tuwing tatama ang tsinelasko sa mabatong kalsada. Kumikiskis ito na nagbibigay ng tunog tulad ng sanlibung posporo na sabay ikiniskis sa pader. Pasalamat nga ako at hindi masyadong mabato ang kalsada at hindi batong ilog ang naitambak. Limestone ito na lagi namang pinipison. Pinagawa ito ng isang minahan, mga limang kilometro ang layo sa silangan ng bahay namin. Ito ang Barlo Mines.

Pinunasko ang bumubulwak ko nang pawis sa pisngi, sa leeg at sa braso. Basa na ang aking panyo. May gabutil pang gumulong sa butas ng ilongko. Hinipanko ito. Naramdamanko ang tilamsik ng pawis at nalasahanko ang alat sa aking bibig. Mahapdi na ang pisngiko na kanina’y nginangatngat ng araw. Binunotko ang imbitasion na isinuksok ko sa loob ng t-shirtko. Buti na lang at binalot ko kanina ng selopin na pinaglagyanko ng kanin na baonko. Lukot-lukot na ang imbitasion sa gradwesyonko.

Idinantayko sa aking dibdib at nakapako ang basako nang damit. Nakaramdam ako ng pag-init ng aking puso: Matutuwa sina Tatay at Nanay. Yan ang tibok ng pusoko. Magtatapos na ako ng elementary.

Yahoo! Napasigaw ako sa tuwa. Magkakaroon na ako ng sapatos. Yung bagong sapatos. Yung hindi lang mana sa mga pinsan. Yung hindi pinaglumaan. Yung hindi ukay-ukay.

May sapatos na ako. At, mas maliwanag pa ang kislap ng aking mata sa mag-aalas singko nang araw.

Magshort-cut na ako sa sakahan ni Levi. Wala naman siya. Ipinagbabawal pa kasi na may dadaan dito, e. Itinaasko ang barb wire at lumusot na ako. Palinga-linga baka nandyan lang si Levi. Bakit pa kasi ayaw magpadaan dito. Hindi naman nababawasan ang kaniyang lupa maliban lang sa mga putik o alikabok na kakapit sa mga sapatos. Hay. Nakakainis din ang karamutan niya ngunit wala naman siyang paki kung nagsasalok siya ng tubig sa balon namin. Malaya naman siyang makapasok sa gapalad lang na lupa namin. Ang balon lang namin ang may tubig kung ganito nang tag-init. Halos lahat sa balon na namin sumasalok.

Subukan niyang magalit ngayon at titiradorinko ang kalabaw niyang humuhila sa kalusa na pinaglagyan niya ng dram ng tubig. Tignanko lang! He he he.

Gagawinko ring ganito ang lupa namin. Tatanimanko rin ito ng mga mangga at niyog. Hindi naman masama ang mangarap, di ba? Sinabiko na ito sa aking ama.

Tay, kahit maliit lang ang lupa natin, gagawinko itong paraiso paglakiko. Ipinagmalakiko minsan sa aking ama. Dapit-hapon noon at tinatanaw namin ang paglubog ng araw sa malayong kanluran, sa lampas ng niyogan ni Levi, doon kung saan galing ang mga ibon.

Oo, anak. Sumagot noon ang tatay. Kaya nga hindiko ito ipinagbibili kahit anong pilit ng manager ng minahan.

Oo. Malinaw sa aking alaala ang pagdalaw noon ng tserman ng barangay namin at kawani ng minahan. Bibilhin daw ang lupa namin. May gold ata sa burol kung saan nakatirik ang aming kubo. Hindi pumayag si tatay. Ito na lang ang naiwan na pag-aari namin. Ito na lang ang maari naming isanla para sa kinabukasanko. Umiiling ang mga panauhin namin noon. Sayang na lupa ang parang isinisigaw ng kilos nila.

Hindi ito sayang kasi gagawinko itong paraiso! Bulong na naman ng utakko.

At last! Magkakaroon na ako ng sapatos. Naalala ko naman ang unang pumasok sa isipko kanina. Noong hawakko na ang imbitasion para sa pagtataposko. Ipapakitako ito sa Tatayko. Ipapakitako ito sa Nanayko. Sila ang magsasabit ng ribbonko, lahat na medalyako kung meron. Ibibintako ang kambingko. Bibili tayo ng sapatosko, Nay. Yan ang sasabihinko. Lahat ng mga ito ay naglalayag sa isipko noong dumantay sa paladko ang imbitasion

Hindiko na namalayan na lampas na pala ako sa kabahayan. Mga kumpol-kumpol na sampung bahay ng mga pinsan ng inako. Lampas na ako sa pandayan ni Apong Dining. Mamaya, tanawko na ang nag-iisang kubo sa burol.

Malapit na ako. Lalampasanko na lang ang tigang na maliit na batis at isisigawko na: Tay, may honor po ako! Nay, may honor po ako!

Tumakbo na ako at kumakalabog ang aking dibdib sa sobrang saya. Tatawa ang aking ama. Ngingiti ang aking ina. Yan ang nasa isipko. Limang dipa na lang ang layoko sa kubo namin.

Tay, first honor ako!

Nay, first honor po ako!

Walang umimik. Itinulakko ang pinto. Walang sumalubong. Napatigil ako. Nawala lahat ang sayako. Wala pa si Tatay. Wala pa si Nanay. Dumiretso na lang ako sa kusina.

Anong kasalanan namin, putang ina niyo! Sigaw kong humuhila sa dulo ng armalayt ng isang nakakomoplads. Nakatayo na lang ito sa tabi ng magkapatong na bangkay ng aking magulang. Si Tatay. Si Nanay. Naliligo sila sa dugo.

Tay, first honor po ako…

Nay, ito ang imbitasion…kayo po ang magsasabit ng ribbonko…hikbi.

Tumakas ang mga yapak at ako na lang ang mag-isang buhay sa kubo namin.

*****

Ako si Inot. Inot ang pangalanko, he he he. Florentino ang kumpleto. Tinot ang kinagisnan kong pangalan. Noti sa mga titser ko.

Ganito nagsimula ang dapit-hapon sa buhayko. Ganito hinablot ang mga sandali sa isipko. Ito ang una kong pakikibaka.

Wala akong bagong sapatos.

Ninikaw sa akin,

Lahat na masaya.

Ang kinabukasanko.

Wala na.

Ako si Inot. Noti. Ang pangalanko.

Ang pangalan na ipinagmamalaki ng Tatayko, ng Nanayko. Ang pangalan na alamko. Ang pangalan na maiiwan at mag-isang babalik sa aking pinagmulan.

Husgaanmo ako. Sige. Pagkatapos mo akong tadyakan sa dibdib gamit ng bago mong sapatos. Ang bago mong combat shoes.

Itataasko pa rin ang aking kamao!

Tuloy pa rin ang laban…<lugmok>

<TAPOS>

Sa susunod na Huwebes po ulit.

Dagdag Gawain:

1. Mahaba itong poste ko, maaring basahin ninyo na lang ulit. Wala muna tayong assigment.

%d bloggers like this: