Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: seminaryo

Alimpuyo: Pag-aabang

iv. ang pag-aabang

Ang tagal namang magliwanag! Buntunghiningako. Nakakabagot.

Malamok at nagsisimula nang lumamig ang ihip ng hangin. Nanginginig na ang aking laman na hapo sa maghapong paglalakbay. Tinignanko na naman ang giwang sa damuhan. Maaaninag ang maliit na daanan dahil sa kunting liwanag na dulot ng ga-guhit lang na buwan. Ano na kaya ang oras? Alas dos.

Sakripisyo ba talaga ang paghintay?

Ba’t kaya wala na sila? Kinakausapko ang hangin.

Dalawang taon na mula nang iniwanko ang sotana at estolako sa ka-eskwateran. Sa tabi mismo ng seminaryong pinanahananko at kung saan ako doon nagkaroon ng tamang isip. At kung saan doon ako nagsimulang namulat sa mga katotohanan. Doon, sa seminaryo na labindalawang taon akong nakatago sa likod ng sotana, na kumapit sa lakas ng estola. Doon, na may pader na mataas. Doon, kung saan gate din ang butas ng imbornal. Doon, kung saan ang mga tuyo at itlog ay iniilingan. Doon sa seminaryo na ang katabi’y eskwater. Doon, sa kung saan ang kunting sopas na ipinamumudmod ay nagdudulot ng damdaming kawang-gawa sa mga nakasotana. Doon, kung saan ang sigaw ng mga batang pumipila sa sopas ay: karapatan din naming kumain!

Oo, dalawang taon na ngayon ang nakalipas mula noong ako’y tinitigan ng isang kasama na parang tigre.

Oo, dalawang taon na nang ako’y tinanong kung napapaginipanko ba sila.

Oo, dalawang taon na mula noong ako’y nagising sa aking pagkukunwari. Nang ako’y natutong umiba ng landas. Nang iniwanko ang daang-matuwid. Nang ako’y nakarinig ng mga diskurso sa hangin.

Doon sa seminaryong may mataas na pader na sumara sa aking pagtingin sa mga nangyayari at mga pangyayari sa labas–sa likod ng kuwadradong pader–na punung-puno nga ng hirap at pighati, na taliwas sa katiwasayan at matiwasay na pamumuhay sa loob ng nakapader na mga buhay. Sa isang parte din ng pader, doon may nasunog na bangkay– doon mismo sa tabi ng tinatawg na Fathers’ House–doon mismo, nabusalan ang isang pangarap at pangako ng isang kabataan.

Anim na buwan, eksaktong anim na buwan, nang ako’y nagising sa aking pagkukunwari. Eksaktong anim na buwan mula nang isa sa aking mga kasama ang tahasang nagpamukha sa akin na may mga lipunan din na umaasang makita din ang pangakong hustisya na hindi nakakamit sa pagsesermon lang sa mga pulpito.

Oo, eksaktong anim na buwan mula ng isang magaling na seminarista at pintor na puminta sa nakadipang binata na handang yumakap ang nagsabing: Sa baba ng puyo, nandoon ang laban! Sa baba ng puyo may huhulagpos!

Iniwanko na rin ang aking sotana at estola sa eskwater at hinanapko ang landas na para sa akin. At sa loob ng dalawang taon, sariwang-sariwa pa sa aking alaala ng muli naming pagkikita sa kaeskuwateran, sa mismong tabi ng pader na humadlang sa totoong mukha ng mundo.

Nandito sa labas ang pagkilos. Nandito sa labas ang tunay na laban, Pads.

Dumadagundong pa rin sa isipko.

Oo. Mula dito sa pusoko, bumukal ang tunay na tapang ng isang mandirigma ngunit dito sa mismong paladko tinatamasa ang tagumpay. Ang tunay na laya, ang kalayaan. Dito sa baba ng alimpuyo, nandito ang simula ng pakikibaka at hindi sapat ang mga salita sa pulpito na puro pasingaw lamang. Kailangan ang pagkilos. Hindi pwedeng tagapagkilos ka lang. Makiisaka sa pagkilos. Mamilika. Dito o doon ka. Walang papagitna. Walang gitna.

At isa pa, Pads. May nasaling akong damdamin. Minahal ako at minahalko rin. Ipaglalabanko ang aking damdamin at ng damdamin ng mga nakikiisa sa akin.

Magiging ama ako. Ngunit, bago magkaganon, bibigyanko na ng laya ang daan na tatahakin din ng susunod sa aking anak. Ang susunod sa aking lahi.

Patawad, Pads, at ihingian mo ako ng patawad. Malawak ang aking pagmamahal. Mas malawak kaysa sa ginagalawan nating dalawa.

Sutil ang diskurso sa hangin.

Dumadagundong ang mga salita niya sa akin. Pabalik-balik.

Mayroon din sana akong lakas na tuladmo.

Yan ang pahabolko noong muli niya akong itinuro na astang hagubilin na hindi ako susunod sa kaniyang daang tinahak.

Ha! Dagli-dagli kong hinanap noon ang larawan na inipitko sa isang folder. Sinapo ko sa aking palad at: Nasa paladko ko rin ang aking lakas!

Pads, baka di na sila babalik. Nagulantang pa ang aking pag-iisip.

Baka sa susunod na araw na lang sila babalik. Si Eman.

Hindi! Babalik pa sila. Babalik pa sila…

Pads….

Muli naiwan akong mag-isa na nakatingin sa daanan, ang giwang sa damuhan.

Hindi na sila siguro nakasunod. Baka di ko na makita ang mag-inako. Sambitko sa aking sarili at naalalako ang nangyari noong isang linggo:

Hala! Hanapin niyo silang lahat! Marami ng utang ang mga ‘yan. Kailangan na nilang magbayad! Utosko sa aking mga kasama.

Linampasanko pa ang nakalupaypay na kamay ng driver ng army trak. ‘sensya na brod. Nasa kabilaka nasa ibang panig din ako. Kinausapko ang wala nang buhay na driver. Inapirko pa ang kaniyang lupaypay na palad.

Masuwerteka kasi makikita pa ng mga familyamo ang iyong bangkay. Sabiko na naman sa isang nakahandusay na bangkay sa tabi ng gulong ng trak. Pinulotko ang nahulog na Rosary sa tabi niya. Isinuksokko ito sa kaniyang bulsa. San Pedro, M. ang nakalagay sa name plate. Hinilako ang nadaganan niyang bandoler at isinabitko na sa aking balikat. Puno pa rin ng bala. Binitbit ko na rin ang kaniyang baril. Thanks…

Walang maghahalungkat sa mga backpack. Mga pitaka, huwag ninyong pakialaman. Maliligalig lang ang inyong isipan kung mayro’n pa kayong malaman d’yan! Iniutosko sa mga kasamang dali-daling namumulot ng mga bala at baril.

Oo. Bawal sa akin ang may maghahalungkat sa mga personal na bagay sa mga nasasawing kalaban. Maliligalig lang ang isip kung may makitang lawaran ng isang bata o asawa sa mga pitaka o bulsa ng mga nasawi. Palaging may paninisi sa kanilang mga mata. Nakakaantig din.

Ba’t sila nararamdaman ba nila, Pads? Sagot noon ng isang kasama.

Sila. Oo. Sila. Ikaw? Ano ang iyong nararamdaman? Sinagotko din ng tanong ang tanong niya noon. Narinig ito ng iba pa naming kasama. Walang sumagot. Oo. Walang naglakas loob na sumagot.

Simula noon, naging alituntunin na namin ito sa aming pakikibaka. Walang anumang masagi maliban sa mga armas at documento.

Tayo na! Utosko noong malamanko na patay lahat ang mga nakasakay sa trak. Malagim ang ambush! Parang buhay na ulang na biglang mailagay sa mainit na palayok. May mga makatalon pero sa apoy din sila babagsak!

Pads, tulogka muna. Baka pagliwanag, nandito na rin sila. Ako naman ang mag-aabang.

Sige nga… At, tinungoko na rin ang aking kubo. Malapit na rin ang inaabangang umaga…

Itutuloy…

Advertisements

Alimpuyo: Pagsisisi

Karugtong ng kuwentong basurero, Alimpuyo..

****

ii. Ang Pagsisisi

Pinulotko ang mga aklat na hiniramko kanina sa library ng seminaryo. Inipitko sa aking kilikili ang librong Truth and Method ni Gadamer. Pinadaananko rin ang ilang pahina ng isa ring aklat at dagli-dagli na akong lumakad sa dumidilim na ring koridor. Di ko pa pala nai-switch ang mga ilaw. Tinalikuranko na ang malaking painting ng isang binatilyong nakadipa. May suot na sotana at ang pagdipa ay nang-aakit sa mga nakatingin. May pulang krus sa tapat ng kaniyang dibdib. Kung ako’y nasa dulo ng pasilyo ang painting ay astang yayakap sa akin. Maganda ang painting. Magaling ang puminta. Isang seminarista.

Nilingonko pa minsan at tuloy-tuloy na rin ang aking paghakbang patungo sa kabilang dulo. Sa panghuling pinto, doon ako papasok.

Sa dulo ng hallway, may hagdanang pababa, 15 steps din ata na pababa. Sa ibaba, may parang krus na namang koridor. Nasa gitna na ako ng hagdanan at silipko ang loob ng faculty room sa aking harapan. Kung minsan tinatawag ng mga seminarista itong INRI na hango sa plakard na ikinabit noong ipinako sa krus si Jesus. Salamin ang kalahati sa dingding. Sa aking kanan ay ang opisina ng College President at sa tapat nito sa bandang kanluran ay ang opisina ng Dean. Katabi ng opisina ng Dean ang opisina ng Seminary Rector.

Sa pagawing kaliwa, doon makikita ang Information Office. Ang hallway na pakaliwa ay tuloy-tuloyna sa lobby. Sa may lobby may mga Receiving Rooms, apat ito na tabi-tabi. Dito tinatanggap ng mga seminarista ang kanilang mga dalaw. Hindi kasi puwedeng lumampas ang mga bisita dito, maliban sa pag-ikot sa drive way o kaya paggala sa maluwang na Recreation Area ng seminary. Bawal pumasok sa loob ng dalawang main buildings ang mga bisita.

Maluwang ang Recreation Center. May covered facility kung saan doon ginagawa ang mga in-door games. May maliit din na gym at kunting gamit sa pag-iiexercise. Sa tabi ng covered facility, makikita ang dalawang basketball court, isang volleyball court at isang tennis court. May nakapalibot na kiosk sa gilid ng Recreation Area. Dito ini-enjoy ng isang seminarista ang kaniyang pamilya na nakakadalaw. Dito rin naiinggit ang mga walang dalaw.

Hindi naman lahat na nasa seminaryo ay magpapari. May mga pari pa nga na bigla na lang magsasawa sa kaniyang pagkapari. O, kaya napasubo lang na nagpari. O, kaya pinagbigyan niya lang ang kagustuhan ng kaniyang ina na member ng Catholic Women’s League at kung aayaw siya ay hihimatayin ito. O, kaya may tinatakbuhan din? At ang seminaryo’y ginawang tanggulan at ang sotana ay ang kanyang kabal.

Okey. Hindi naman lahat ay ganyan. May mga ilan lang naman. Yan ang totoo.

Mula sa labas ng lobby, matatanaw ang hardin at ang parking area. Nandoon na rin ang guard house at ang main gate. Oo, main gate kasi likas sa mga seminarista ang mapaghanap ng butas. Kahit butas ng imbornal ginagawang gate! Sa panahon na ang tawag nila ay “Nights of Great Escapes”. Sa lampas ng mataas na bakod, matatanaw ang Marikina Heights at SSS Village. Kita rin dito ang ilang matataas na gusali sa parteng Quezon City sa bandang kanluran. Sa bandang timog, tanaw din ang Pasig. Nasa tuktok kasi ng burol ang seminaryo. Ang tawag nga dito kung panahon na ng balikan mula sa mga ilang araw na semestral breaks, e, golgota.

Luma na ito pero okey pa rin. Sabiko sa hawak kong aklat.  Animal Farm ni George Orwell.

Maliit ngunit siksik sa laman. Pasok sa banga, sabi nga ni Ka Sphere. Magagamit na reperensia sa pagtuturo ng pilosopiya ng lengguahe at pati sa political philosophy. Magagamit din sa larangan ng literatura dahil sa taglay nitong futuristic na pagfifiction. At sa siyensya dahil sa kakaibang futuristic ideas na kung tutuusin e nangyayari na ngayon.

Pumasok na ako sa pintuan sa dulo ng  koridor. Tinungoko ang lamisa sa gitna ng klasrum. Pinadaananko ng tingin ang mga labintatlong seminarista na abala sa kanilang binabasa. Subsob sa mga aklat. Nasa ikatlong taon na sila sa kursong Liberal Arts in Philosophy. Ang kursong prerequisite sa susunod pang hakbang ng pagpapari. Ang Theology. Tahimik silang lahat.

Niyukoan ko na rin ang aking aklat. Gagawa ako ng mga bullet points para sa mga ituturoko bukas.

Riiiinngg! Tunog ng buzzer ng seminaryo. Dito kasi kahit wala kang relo, malalamanmo ang oras. Lahat napapaloob sa schedule.

Quarter to six na pala! Oras na ng vespers. Isa-isang lumabas ang mga kasamako sa kuarto. Nilagyanko ng marker din ang kanina’y binabasako na libro. Pinulotko ang aking mga papel at tinungoko na rin ang aking private room.

Itutuloyko na lang, ma’mya. Ako. Sa aking sarili.

Ako ang magiging confessor ngayon. Bulongko na naman sa sariliko.

May isang oras pa akong maghanda. Ihahandako rin ang aking sarili. Pati ang aking kaluluwa. Tinestingko rin ang aking isip, examination of conscience, kung ako ba’y karapatdapat ding instrumento sa pagpapatawad ng mga kasalanan.

Siyanawa, Diyosko! Nasambitko pa. Bigyan niyo po ako ng sapat na pananampalataya.

6:45 PM

Sampu na ang natapos na nagkumpisal. Sari-saring pagkakasala ang kanilang pinagsisisihan. Ang mga iba parang problema lang at iniuugnay sa mga kasalanan nilang ginawa. Sa tulad kong confessor, tinatanggap lahat na ibig ipasabi ng nagkukumpisal at pinipigilan ang sarili para magkomento. O, wala talaga kaming karapatang magkomento kundi magpaalala lang sa tamang landas at gawa na naaayon sa Salita ng Diyos. Ang Banal na Sakramento ng Pagkumpisal ay ang pag-amin sa maling ginawa, inisip, inusal o damdamin na sa palagay ng nagsisisi ay di ayon sa turo ng Panginoon.

Alam kong may mga sampu pa o higit pa ang mga nakapila sa labas ng confession room. Sa mag-iisang taon ko nang pagkaconfessor, natantiyako na ang bilang ng mga seminaristang nangungumpisal tuwing Biernes ng gabi.

May kakaibang damdamin na naiwan kanina ang huling nangumpisal sa akin. Sa hindi ko alam na dahilan para bang ako ay nakaramdam ng hiya o may naalala akong bigla na bumabagabag sa akin. Masyadong malamig tuloy ang tantiyako sa ihip ng aircon.

Di ko na kayang magpanggap, Pads…

‘yan ang unang salita na namutawi sa kanya. Nang wala siyang marinig na tugon, itinuloy niya…

Di ako karapatdapat na magsuot ng sotana at magpanggap na ako’y patungo sa banal na tungkulin…una, pinagtiisanko ng pitong taon ang pagkukunwari…ala na, Pads, patay na rin ang mga magulangko na naghubog sa mura kong isip na manilbihan bilang alagad ng Diyos…saka, may nagawa akong kasalanan na dapat kong panagutan…hindi lamang sa mata ng Diyos kundi sa mata ng tao rin…

Patuloy pa rin akong nakikinig.

At, saka, Pads, sa labas nitong silid at sa lampas ng bakod ng seminaryo, marami rin ang hindi kumakain…at bawat suboko at pagsuboko tuwing tayo’y kakain ay nagkakasala rin ako dahil dapat sila ang sumusubo at hindi ako… ala na talaga, Pads… nakabuntis po ako! Kailangan kong panagutan ang kalapastangananko…sana mapatawad po ako ng Diyos…hu hu hu hu hu!

Wala pa rin akong imik.

Ikaw, Pads, hindi pa ba sapat ang iyong pagkukunwari? May bisa pa ba ang kabal mong sotana? Hindi mo ba sila napapaginipan?

Nagimbal ako sa huli niyang sinambit. Hindi ko ba sila napapaginipan? Syet!

Hawiinko sana ang kurtinang nakapamagitan sa amin pero nakuha ko pang pinigil ang aking sarili. Tumunog na ang pagsara ng pinto. Alam kung hindi na niya hinintay ang igagawad kong absolution.

Sunud-sunod pa ang mga ilang seminarista na dumulog ngunit parang robot na lang akong nakinig at naggawad ng pagpapatawad.

Laman pa rin ng isipko ang mga huli niyang kataga. Hindi mo ba sila napapaginipan?

Mahigit 30 minutes pa akong nakaupo at naghintay ng mga mangungumpisal. Wala na. Naghintay ba ako ng kukumpisalin o ang sagot sa tanong niya?

Mayro’n ba akong dapat panaginipan? Sino ba sila?

Dahan-dahan kong inalis ang estola. Tinupiko ito at lumabas na rin ako sa confession room pagkatapos patayin ang aircon at ang ilaw. Tinititiganko pa rin ang estola habang pinaglalaruan ng isipko ang kaniyang tanong.

****

Itutuloy…

Balikan ang Part I: Ang Pag Uwi

Dagdag Gawain:

1. Totoo bang may anak si Padre Damaso? Isulatmo ang sagot at ipadala sa basurerongpinoy@yahoo.com

2. Kung pagbubuhatinka ng krus, sa kaliwa o kanang balikat mo ba ito pasanin?

3. Alam mo ba ang 5S ng mga hapones? Gawin mo na ito at huwag ipagpaliban, luluwag ang buhaymo.

%d bloggers like this: