Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: sleep walking

Sleep Walking 2

Ang karugtong ng Sleep Walking…

*****

<Nakasalampak ang mga batang pumaikot sa kaldero, ang kalderong nagmistulang panginoon sa altar na dulang. Gasapin na lang ang naiwang kanin na nagmamakaawang dumikit sa kaldero pagkatapos nang tig-iisang pagsandok. Pandan lang ang ulilang halo sa matubig na lugaw, ang magic para maging katakam-takam ang maghapong katas ng pagpila sa 18.25 na puro tigbibiyente singko na kulikak.>

Ako ang mauna. Ang panganay sa mga bata.

Tatlong kutsara na ang naisubomo. Wala na sa akin… Ang pangalawa sa mga bata.

Tatlo rin sa akin, gutom ako! Singhal ng pangatlo sa mga bata.

Eiieeeee! ‘la ng para sa akin. Bulahaw ng bunso sa mga bata.

Didilaanko na! Sabi ng pangatlo.

Tigtatatlo pa kasi kayo, e. Sabi ng pangalawa.

‘la. Tingala’t ibubuhosko sa ngalangalamo. Sabi ng panganay.

<Pinagdiskitahan na lang ang ama ang pahitit at pagbuga sa kanina’y usok na nilalaro ng kaniyang dila at parang sumama ang buntunhininga sa palangit na usok. Pinagkakasya ang damdamin na sa usok madiin ang malay na para bang maitatago nito ang piping paghikbi niya dahil wala na siyang tapang na lingunin ang nangangayayat nang mga bata. Patago nitong pinanood kung ano at paanong sinisipsip ng mga bata ang kanina’y sahog na dahon ng pandan.>

‘sa! ‘puntaka pang umagaw e, kulang na nga!. At napahiya ang pusang kumaripas na lumayo sa dulang (1).

<Hindi kasi maaako ng isip ang layo ng mga pangarap sa kasalukuyang pangyayari. Sumasama na lang ang pag-asa sa pumapailanlang usok sa kawalan na para bang makasungkit ito ng mga sagot sa noo’y pinalipad na pagsusumamo. Ang binilot na pinapausok ay mga pangyayaring ibinuod sa pahina ng dyaryo, ang pahinang noo’y naglathala sa mga pangako ng kariwasaan sa dulo ng tuwid na daan. Ang kariwasaan na lumubog din tulad ng bangkang papel sa gitna ng mga basurang talumpati sa ilog ng Pasig.

Ang ina nama’y kumukuha ng lakas sa paggaya kay Ninoy, dalawang palad na ang sumasapo sa noo at pasulyap-sulyap ito sa mga pailing-iling na mga bata na ngayo’y tapos nang minasaker ang dahon ng pandan. Na tila’y ang pagsapo sa ulo ay nakakagamot ng hilo, ang pagkahilo mula sa pagbibilang ng mga daliri kung sinu-sino pa ang pwedeng daingan ng isang dangkot na kanin.>

‘la ng pwedeng lapitan kahit para sa isang dakot lang… at parang nawalan ng ulirat ang ina na kanina’y sapo ang ulo na ngayo’y dumikit na sa kanyang tuhod.

*****

Mahuhulog ang unan at masusuntok ito mula sa walang malay na pagngingitngit. Masasampal ang braso na nangangati na kanina’y panagpasasahan ng gutom ding lamok. Mamamaluktot na naman ang katawan at dadami ang mga bulong sa dibisyon kaysa sa paghilik.

*****

<Kahit na rin siguro ang mga lamok nauulser na rin dahil nawawala na ang mga pulang dugo ng mga tao. Desaparisedo na ang pulang dugo. Namumutla na ang mga kayumanggi. Wala nang talbos ng ampalaya na magugulay, pati kangkong, wala na rin.>

Huh! Paano kasing di kukulangin ang bigas e, tinatabunan na lahat na palayan. Ang nauna sa pila.

Pati ang mga bangin, sabi mo pa, binubuldoser na rin. Siya pa sanang pagkunan ng mga netib na aba.  Ang pangalawa sa pila.

Madalang na rin ang makukuhang suso sa ilog. Buwisit! Bulong din ang sumusunod sa pila.

Kukunin na yata ninyong lahat. Mag-iwan din kayo, a! Sigaw ng isa sa dulo ng linya.

Kua, nagmermerienda lang muna ang mga tagabigay.  Diin ng isa sa mga nasa harap na ng lamisa.

Mga wala kasi kayong tiyaga. Sambit ng nagpapapila. Bumagsak ang bote ng coke. <Tog>

Aanak-anak kayo ng di n’yo mapakain! Singhal din ng tagasupot.

Patay na ata! May namatayna! Sigaw ng isa sa gitna. May bumulagta sa harapan niya.

Nawalan ng malay dahil sa gutom, yan!  Ang kuro ng mga nasa linya ngunit walang gumalaw at umalis man lang sa linya.

Naiwang nakabulagta rin doon ang matandang nawalan ng malay.

At tuloy ang mabagal na usad ng pila…

Itutuloy bukas… <mahaba na e..>

Advertisements

Sleep Walking…

Nakalampag ang paghilik. Tumigil. Di mawari kung saan papunta ang nota…unti-unting aarangkada tapos, bigla! uusad na parang barko sa North Harbor. Mag-aaway ang mga ngipin at parang may mga baboy sa silong ng papag…kumakain ng bato! Unti-unting lalaya ang unan mula sa yakap…gagalaw ang nguso na parang puwet ng tutubi. Babalik sa posisyong bangkay mula sa pagkafetus sa bedsheet. Babalik din sa fetus at naging matris ang maiksing kumot. Babalik sa uyayi ng antok. Hay…biglang bibigwas ang mga braso, uupo at hahanapin ng paa ang naiwang tsinelas. Sisipa. Sisipa-sipa na parang sa unang sipa niya sa bahay-bata para makalabas ang sune sa daigdig. Mapupuno ng pagkamangha ang espasio ng silid sa pagitan ng sukat na sukat na kanto ng dibisyon. Pamilyar na rin ang dibisyon na kinakausap sa mga panahon ng mga pagbulahaw na walang malay sa kailaliman ng gabi. Sumasama ang ganisnis na ring bedsheet sa mapaghanap na paa sa nawawalang tsinelas. Gusot-gusot ito at unti-unting dumdausdos,  nahuhulog. Nagmamakaawang kumakapit ito sa sa gilid ng papag.

Magmamaktol ang hikab. Para bang yung unang pagnganga ng bata sa unang pagkaamoy niya ng unang hangin paglabas sa sinapupunan. Ang di maipaliwanag na amoy ng hangin, ng hanging nangangamoy. At, aanas-anas ang tsinelas na naghahanap sa guhit patungong CR. Sinundan na lang ng ilong ang sumisingaw na panghi sa di pa naiflush na pag-ihi noong takipsilim. Sabayang sinapo ng dalawang kamay ang nakalaylay kanina at bumulusok ang naipong panghi sa nakatingalang antok. Huuuuu…! At nanginig pa ang  laman na bumalik sa kanyang himlayan. Bubuelta ang katawan at muli hahanapin ang daan sa higaan. Humiyaw pa ang papag na sumalo sa bigat ng bumagsak na hita at sa dabog ng humilatang likod. Sumalubong ulit sa pang-amoy ang panis na laway na naiwan sa kanina’y ulilang unan.

Unti-unting nagsasalubong ang mga sandali at bumabalik silang lahat sa iniin-in na panaginip…

itutuloy…sa Sleep Walking 2

%d bloggers like this: