Basurerong Pinoy

Mga Samu't Saring Katha ng Isang Basurerong Pinoy, Anak Busabos at Alipin ng Kahibangan

Tag Archives: tambayanang pilipino

Ano (daw) Ang Gawain ng mga Tambay?

Istambay

 

 

Wala lang.

Tamad lang akong magposte ngayon ng mga basura.

Pero…

May nagtatanong sa akin kung tambay nga ako: Ano daw ang mga Gawain ng mga Tambay?

Depende sa alam mong tambay? Kung ang tambay sa paninginmo ay tulad ng mga tambay sa akin ay okey lang, masasagot kita he he.

Di ako pwedeng tumambay kasi mangangamoy ang kapaligiran ng mahal kong barangay.

Ganito…kung tama ang hinalako na ang tambay sa paninginmo ay mga stand by…e, madaling sagutin ‘yan.

Una, walang ginagawa ang isang tambay maliban sa nagpapalipas lang ng oras kung saan man ‘yan, e, depende sa trip.

Ang mga nakikita mong kalat sa kanto, tambay din ‘yan. Palipas oras kaya nagdadama, naglalaro ng chess o kaya nang-aasar lang sa mga dumadaan.

May mga tambay din na ang palipasan ng oras ay ang pagtagay ng softdrinks, paghitit ng sigarilyo o pag-inom ng alak.

May mga tambay din na akala mo mga dispatser ng dyip o traysikol.

May mga tambay din na kahit bansot, marunong (daw) magbasketbol.

May mga nagsusugal ng tong-its pero sabi nila, laro lang daw.

Ito pa ang maganda, ginagawang lucky nine ang plaka ng mga sasaksayan. Sa waiting shed, tumataya ang mga damuhong katotoko. Salit-salitan silang tumitingin sa dadaan na sasakyan at pataasan ang huling numero sa plaka ng sasakyan.

Ito pa. Kapag may humintong sasakyan sa tapat ng waiting shed, tatawagin na ‘pinsan’ ang dumudungaw sa bintana kahit hindi naman nila kakilala.

Ang maganda, dahil libre sa kanila ang oras at tanso lang ito kumpara sa ‘Time is Gold’ ng mga empleyadong masungit ang amo, matulungin din sila. Tumutulong kung mayroon kang binubuhat na mabigat. Naghahatid sa mga matakutin sa dilim kung ganyang ginagabika.

Nagiging pison din sila. Dahil sa naglalagalag sila, tumitigas ang kalye kung ito’y binabaha. Sila rin ang nandiyan kung aabutanka ng disgrasya sa kalye.

Ang masarap dito, lahat ng tsismis, alam nila. Pati labas sa bola ng jueteng.

Sa kanila mo rin  maririnig ang mga reklamo na hurakot ang gobyerno o tiwali ang mga nasa katungkulan.

Isa pa. Sa kanilaka makakatagay ng alak kung wala ka nang pambili. Sa kanila ka rin makikisindi ng sigarilyo.

Ito pa. Sila rin ang may kayang manghingi sa iyo ng isang boteng gin kapag nasiraanka ng sasakyan.

Kadalasan, sila ang makakapansin na seksi ka o tamang artista ang suotmo. At, sila ang papalakpak sa kapalpakanmo o pipito kung may ginawa kang kakaiba.

Ikaw? Ano ang palipasanmo ng oras?

May alam ka bang iba pang ginagawa nila maliban sa pagtetext o pamamasyal sa mall kahit wala naman silang dapat bilhin?

Sige nga, i-sharemo sa komentomo kung talagang mapagmasidka? Challenge?


Sana, Kung Alam N’yo Lang…

Emo lang ako ngayon…bagyo kasi kaya hayun, nagkalat ang mga basura…at napa-putris! ako sa poste ni Ka Duking na Ang Balabal…(di yan mapindut, he he he)

***

Dumadabog si Lanie (ang sumunod sa akin, ako kasi ang panganay sa limang magkakapatid) at bumubulong na pumasok  sa kaniyang silid. Lumagapak ang pintuan!

Biglang nagbuhat ng puwet ang aking ama. Buwisit siya. Natatalo kasi ang Barangay Ginebra sa pinapanood niyang PBA Game. Sinundan ang aking kapatid. Kinatok ang kuwarto. Ayaw magbukas si Lanie.

Ikaw! Bastos ka na a! Bulyaw ng aking ama.

Napalakiko na kayo. Nagkaroon na kayo ng propesyon…wala na kayong paggalang!

Sumbat na naman ng aking ama.

Pabayaanmo na, ling… Pagsusumamo naman ni inang.

Walang silbi ang mga binigay kong rangya… at lumugmok si amang sa kaniyang raking tser.

Gagradyuwet pa lang ako sa grade six noong mangibang bansa si ama. Grade 3 pa lang din si Lanie. Si Jojo, grade 1. Ang isa di pa marunong sumulat. Ang bunso namin noon ay kapapanganak lang. Apat na buwan pa lang.

Ngayon, nakapagtapos na kaming lahat!

May apat na taon pang hindi noon bumakasyon ang aking ama.

Oo. Hindi na kami kilala ng aking ama. Parang estranghero na rin siya sa buhay namin.

Buti ngayon may selpon at text na. May pisbuk na. May skype na. May twitter na. Noon, sulat lang. At, isang buwan mo pa hintayin. Kung nais naming marinig noon ang missed namin na boses ni ama, voice tape pa ang gamit.

Kumukulubot na ang kaniyang pisngi.

Noon, kaya pa kaming kanlungin. Namiss namin ang lakas ng kaniyang braso. Ang kaniyang halakhak. Ang kaniyang palo. Ang kaniyang pangaral.

Na ginampanan naman ni inang ngunit iba pa rin ang ama sa buhay at bahay sana namin.

Oo. May pera kami papuntang iskul.

Oo. May bagong relos tuwing pasukan.

Oo may blow out tuwing kami’y magtatapos.

Pero…

‘ala si ama sa piling namin kapag parents day.

Wala si ama tuwing foundation day ng school kung saan kami’y sumasayaw ng tinikling.

Wala si ama noong unang nanalo ako sa taekwondo.

Wala si ama noong dumugo ang ilongko at nagkablack eye ako.

Wala si ama noong matutong magsalita si bunso.

Wala si ama noong nag escape si Jojo sa school.

Wala si ama noong kami’y nasabitan ng ribbon at tumanggap ng mga awards sa school. Si inang lang ang nandon!

Kasi, si ama ay nasa ibang bansa upang mabigyan kami ng sapat na pagkain at lalo na, upang makapag-aral kami dahil ang sabi: Eto lang ang kaya naming ipamana sa inyo!

At ngayon, di na kami kilala ng tatayko. Di rin namin siya kilala, sa palagayko.

Noong unang bakasyon nga nya…

Nay, sino ba itong bisita natin? Ang takaw! ‘yan noon ang bulalas ng aming bunso.

At…

Nang ako’y magpaalam din na papuntang Korea. Dala-dalako na noon ang passportko. Pati ang job order. ‘tay punta rin ako sa abroad.

Tumingin siya sa akin. Malamlam ang mata. Nangingilid ang luha sabay yakap sa akin.

Anak…huwag na… kung alam mo lang sana ang nawalang oras sa buhayko. Kung sana, alam n’yo lang…

na noo’y gusto ko kayong buhatin at isayaw sa tuwa bawat pag-apak n’yo sa stage.

Kung sana, nandito ako noong nagsuot kayo ng toga…

Kung sana, nandito ako noon at sinamahanko kayo sa mga outings…

Kung sana… di na lang ako nag-abroad…

Kung nandito sana ako…may picture din sana ako na kasamako kayo sa stage…

Anak, walang kapalit ang makita mo ang paglaki ng inyong mga anak.

At kinuha niya ang aking passport…

Ngayon, si ama ay nakatingin na lang sa amin…

Malalaki na kami.

May sarili na kaming kama at silid. Di na niya kami maakap kung kami’y matutulog. Ayaw na naming tumabi sa kaniya.

 

***

Ang kathang ito ay pagpupugayko rin sa mga kababayang OFW na handang tiisin na ‘di makita ang paglaki ng mga anak. Na kung minsan, ‘di na makikilala ng sariling mga anak. Na sa tuwing pag-aayos sa kanilang passport at visa, e, lumilinga-linga at tinatanaw at pilit isinisiksik sa isip ang mga inosenteng mukha ng mga anak at sa kalaunan, pag nag ‘for good’ na ay hindi na niya makakatabi sa pagtulog.

MABUHAY KAYO!

***

Suportahan pala ninyo ang mga kasama nating bloggers sa PEBA.

Goodluck sa Kayumangging Damdamin at Mizpah.

%d bloggers like this: