Kulang.
Kulang-kulang daw ang mga ipinanganak sa Pebrero. Pumalag ako. Anak ng… kulang daw kasi ang bilang ng araw sa buwan ng Pebrero. Sabiko: Ilang araw ba ang nasa isang linggo? di ba pito? E, sa isang buwan ilang linggo? Di ba apat? Sa makatuwid, 7 tayms 4, e, di 28. Uha! Sakto di ba?
Paano ba naman kasi, e, ipinanganak nga ako sa Pebrero! May papalag?! Grrrr!
****
Tinawanan lang ako. Putris! Ayos talagang mang-alaska ang mga ‘nimal na istambay.
At ito ang matindi, tinanong ba naman ako kung nagdadasal ang aking anak. (O, hayan, may anakna si basurerong pinoy.) Sabiko, oo. Ang lintek, alamko ba daw ang ipinagdadasal ng aking anak?
Nabuwisit na ako. NBI ba kayo at may kaso ako?! (Bulyaw)
Ganito pala ang kuwento…isang kuwentong istambay na naman…
May isang responsableng ama na palaging gumagabay daw sa kaniyang anak. Hinihikayat ang tatlong gulang na anak na magdasal daw bago matulog at ang mabait na bata naman ay laging nagdadasal.
Kaya, isang gabi sabi ng anak ng responsableng ama, “Panginoon, pagpalain sana ninyo ang aking ina, ang aking ama, ang aking lola…at ako Panginoon.”
“Ba’t di mo isinama ang lolomo?”, manghang tanong ng ama.
“Paalam lolo…” Sambit ng bata.
Kinabukasan laking gulat ng responsableng ama dahil namatay ang tatay ng kaniyang asawa.
Hindi niya ikinuwento sa kaniyang mag-anak ang dasal ng bata. Baka sabihing Pebrero nga siyang ipinanganak. ‘Tsamba lang siguro’, ‘yan ang usal niya sa sarili.
Umabot din ng isang taon na laging ganito ang panghuling dasal ng anak: “Panginoon, pagpalain sana ninyo ang aking ina, ang aking ama, ang aking lola…at ako.”
Ngunit, isang gabi nagulat ang ama dahil may pahabol naman ang bata. “Paalam lola.”
At kinabukasan, namangha siya nang ibalita sa kaniya na patay na ang kaniyang biyenang babae. At, sa gitna ng kaniyang pagpipighati, nasambit niya sa sarili: “Diyosko, may kontak ata itong anakko sa kabilang buhay.”
Hindi niya na naman naikuwento sa mga kamag-anak ang tungkol sa dasal ng kaniyang anak baka sabihin na sinisisi ang anak sa pagkawala ng dalawang biyenan.
At dahil naging abala rin siya sa kaniyang trabaho at late na kung dumating sa gabi, hindi niya naaabutan ang pagtulog ng kaniyang lumalaki nang anak.
Ngunit, isang gabi, mga ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang pumanaw ang kaniyang biyenang babae, naabutan niya ang anak na nagdadasal.
“Panginoon, pagpalain sana ninyo si mama…”
Nabigla ang responsableng ama. “Ano ba ang itinuro ng aking asawa sa bata, ba’t hindi ako kasali sa dasal niya?” May ngitngit sa asawa na sambit ng ama.
Bigla, naulinigan niya ang huling sinambit ng anak.
“Paalam, papa…”
Sa gabi na iyon, balisa siya at hindi man lang siya nakaidlip. Laking pasalamat niya noong magliwanag na at buhay pa siya. Wala siyang gana na pumasok sa trabaho at maghapong niniyerbyos. Kahit ang pagbukas lang ng pinto o kalabog ng mga folder, e, nagugulat siya.
Kinagabihan, nagpasiya siyang matulog na lang sa opisina. Iwas daw ng desgrasiya. Mas safe nga naman daw sa office dahil may guwardiya pa. Puyat man siya noong gabi, hindi siya dinalaw ng antok.
At, laking pasalamat niya ng mag-umaga na. Tsamba lang siguro ang mga pangyayari noon sa mga biyenan niya. Tuwang-tuwa siyang umuwi ng bahay.
Pagdating niya sa bahay, sinumbatan siya ng kaniyang asawa. Bakit ba naman daw siya natulog sa opisina, e, matagal na niya itong ‘di ginagawa?
“Sana natulongan natin si Pareng Julio na kabitbahay natin, inatake sa puso kagabi at hindi na umabot na buhay sa ospital”. Paninisi ng kaniyang asawa.
Bigla, nanlumo siya at sumalampak na lang sa sofa.
***
Nabasa daw ito ng isang mukong sa bagong gawang email niya.
Ang Pebrero ay buwan ng ARTe, mga inARTe at kaARTehan.
Kaya, Happy Arts Month na lang!